Ni GENALYN D. KABILING

CALAMBA, Laguna — Bagamat “bokya” pa rin ang love life ni Pangulong Aquino, umaasa pa rin itong makahahanap ng isang life partner bago matapos ang kanyang termino.

Sa inagurasyon ng Coca-Cola FEMSA Philippines Canlubang plant extention project sa bayan na ito, inihalintulad ng Pangulo ang kanyang buhay pag-ibig na hindi umuusad sa “Coke Zero”.

“Uunahan ko na ang mga tanong. For the record…yes, my love life is still like Coke Zero,” ayon sa 54 anyos na binatang Pangulo na umani ng tawanan ng mga panauhin.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“I hope that when I step down from the Presidency, it will at least go back to being like Coke Light,” dagdag ni Aquino.

Nagsimula noong 2011 nang ikumpara ng Pangulo ang estado ng kanyang love life sa soda drink, na nagsimula sa Coke regular, na naging Coke Light at ngayon ay Coke Zero.

Nitong nakaraang linggo, inamin ni PNoy na wala siyang panahon man lang kahit makipag-date dahil sa sobrang abala sa kanyang schedule bilang Pangulo ng bansa.

Ikinagulat ng Pangulo nang banggitin ni Jesus is Lord Movement leader Bro. Eddie Villanueva ang love life nito sa kanyang dasal sa idinaos na anibersaryo ng kanilang grupo. “Sana naman ay hindi ito isang act of desperation,” pahayag ni Aquino.

Bagamat ilang ulit umapela na panatilling pribado ang kanyang personal na buhay, iniugnay pa rin si PNoy sa kanyang umano’y bagong love interest sa isang “Kim Ledesma” ng Department of Interior and Local Government.

Subalit sinabi ng isang source sa Palasyo na tumigil nang mag-date ang dalawa nitong mga nakaraang linggo.