Patay ang isang salesman habang sugatan ang kanyang umano’y kalaguyo matapos na maaktuhan umano ng live-in partner ng babae habang “naglalambingan” sa Sta. Cruz, Manila nitong Miyerkules ng gabi.

Dead-on-arrival sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang biktimang si Jesper Puyat, 21, salesman, at residente ng 826 Oroquieta St., Sta. Cruz, Manila, bunsod nang tinamong mga saksak sa katawan habang nasa kritikal na kondisyon ngayon ang umano’y kalaguyo nito na nakilalang si Rosemarie Badiola, 21.

Arestado naman ng mga barangay tanod ang suspek na si Ruel Maghuyop, 31, umano’y live-in partner ni Badiola.

“Nagdilim ang paningin ko at sa sobrang galit sa nakita ko, kaya ko nagawang pagsasaksakin sila,” salaysay pa ng suspek.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Batay sa imbestigasyon ni PO3 Marlon San Pedro, dakong 8:00 ng gabi ng Miyerkules nang maaktuhan ng suspek ang mga biktima na umano’y naglalambingan habang naglalakad sa tapat ng Odeon Mall, na nasa kanto ng Claro M. Recto Avenue at Rizal Avenue.

Lumilitaw rin na bago ang krimen ay una nang inireklamo ng suspek sa Barangay ang mga biktima na nababalitaan umanong ‘nagkakamabutihan.’

Kaya nang umalis sa bahay ang kinakasama ay palihim itong sinundan ni Maghuyop at dito na niya nakitang magkasabay na naglalakad ang dalawa at umano’y naglalampungan pa kaya nagawa ng suspek ang krimen.