Coco Martin

DIRETSAHANG inamin ni Coco Martin na nagkaproblema siya sa ilang endorsement dahil sa kontrobersiyal na The Naked Truth fashion show ng Bench. Pero agad naman daw na naiayos ang lahat.

“Okey na. Mula nang nagkausap kami ng Gabriela at ng iba pang mga grupo ng concerned na kababaihan, eh, nagbalikan na agad at ayos na talaga,” kuwento ng Primetime King nang makausap namin siya sa set visit ng Ikaw Lamang na ngayong araw ang umpisa ng finale week.

Pakiramdam niya, sinubukan lang siya ng management ng mga iniendorso niyang produkto kung paano niya iha-handle ang naturang problema.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Sa akin naman, eh, sabi ko nga, eh, hindi p’wedeng hindi ko akuin ang kung anumang pagkukulang dahil alam kong pagkakamali ko,” sabi pa ni Coco.

May responsibilidad siya sa nangyari, at may mga natutuhan din dahil doon.

“Sabi ko nga, eh, alam ko naman bilang artista ‘yung responsibilidad ko as an actor sa audience ko. Siguro hindi lang talaga all the time natututukan mo, kung minsan talaga may mapapabayaan.”

Nabagabag at kinabahan si Coco nang pumutok ang isyu dahil inisip niya kung ano ang magiging resulta kapag hindi naiayos ang gusot. Kaya tuwang-tuwa siya nang maplantsa na at naibalik na sa normal ang lahat.

“Mabuti na lang talaga naayos namin. ‘Yun naman talaga ang nakakatuwa, eh, sabi ko nga kapag dumating pala sa buhay mo ‘yung mga ganu’ng problema, eh, doon mo makikita, ‘yung mga totoong tao sa ‘yo at saka ‘yung mga totoong nagmamahal talaga,” seryoso pang lahad ng sikat na sikat na actor.

Hindi itinanggi ni Coco na dahil sa pangyayari ay nagkaroon ng lamat ang working relationship nila ng may-ari ng Bench na si Mr. Ben Chan pero dahil pareho silang professional ay madaling naayos ang lahat.

“Ang problema lang, eh, ‘yung iba, eh, nagti-take opportunity para hindi na kami magkakaayos. Kumbaga, gusto nila yata na habang buhay, eh, magkaroon kami ng problema. Pero nakakatuwa talaga kasi very supportive pa rin naman ang mga taga-Bench sa akin,” kuwento pa ng Kapamilya actor.

Nagkausap na sila ni Ben Chan at nagkahingian na ng paumanhin sa isa’t isa kamakailan.

“Masaya, di ba? At least, kahit nagkaroon kami ng problema, eh, wala namang isa sa amin ang may gustong mangyari ‘yun. Hindi naman namin parehong inaakala na mauuwi sa gano’n ang ginawa namin para sa ikakaaliw ng mga nanood,” lahad pa ng alaga ni Sir Biboy Arboleda.

Pero hindi pa man daw humihingi ng sorry sa kanya ang negosyante ay naunawaan na ni Coco ang may-ari ng clothing line.

“Wala namang may gusto nu’n, eh. ‘Yung nangyari naman, depende ‘yun sa paningin ng tao. Siyempre, hindi rin naman namin masisisi ‘yung mga ibang tao na iba ang pananaw nila sa ginawa ko.

“Pero marami rin naman ang nagsabing okey lang ang ginawa kong ‘yun, pero sa iba, eh, parang hindi maganda para sa kanila ang ginawa ko. Kaya nga gano’n na lang ang paghingi ko ng paumahin sa mga tao na naapakan namin, lalo na sa kababaihan,” lahad ni Coco Martin.