ANDREA-Torres

NAPANOOD namin ang pilot week ng telefantasyang Ang Lihim Ni Annasandra na pinagbibidahan ni Andrea Torres.

Tama ang sinabi ng actress na ang role na niya as Annasandra ang pinaka-challenging at pinakamahirap na nagampanan niya. Isa sa mahirap na eksena kapag magta-transform na siya bilang isang awok o baboyramo, ikinukulong niya ang sarili niya sa isang cage para hindi siya makapanakit ng kapwa niya. Kasya lang siya sa cage kaya mahirap talaga ang transformation.

“Pero wala po akong reklamo dahil iyon talaga ang kaganapan sa story,” sabi ni Andrea. “Isinumpa kasi ako ni Esmeralda (Rochelle Pangilinan) nang mabaril ng ama kong si Carlos (Emilio Garcia) at napatay ang isang baboyramo nang mangaso sila sa gubat. Nang mag-umaga, anak pala ni Esmeralda iyong nabaril at nangako siya sa sarili na ipaghihiganti niya ang anak. Pero sa halip na ang aking ama ang paghigantihan niya, ako ang nagdusa dahil ako ang nagiging awok pagdating ng gabi.”

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Pinaka-sexy na ring role na nagampanan ito ni Andrea.

“Kapag nagta-transform po kasi ako, nasisira ang suot kong damit kaya halos hubo’t hubad ako habang isinasagawa ang computer generated imagers (CGI) hanggang maging baboyramo ako. Pero may manipis na tela silang ipinapasuot sa akin at alalay po naman sila sa akin at kung sino lang ang kailangang tao sa set, sila lang ang nandoon.

“Iyong isang eksena naman na naging tao ako dahil nag-umaga na at naglakad ako sa ulan, telang butas-butas ang ipinasuot nila sa akin. Iyon talaga ang challenge sa akin dahil nag-taping kami sa malapit sa school at naglalabasan ang students. Pero ginawa ko naman kung ano ang gustong ipagawa sa akin ni Direk Albert Langitan.”

May nagsabi kay Andrea na dapat ay pang-primetime ang kanilang telefantasya, bakit siya pumayag na sa Afternoon Prime ito ipalabas?

“Hindi po naman issue sa akin kung saang slot kami ipalabas. Nagpasalamat nga ako at muli akong binigyan ng bagong drama series, at baliktambalan kami uli ni Mikael Daez, bale pangatlo na naming pagtatambal ito at kasama pa namin ngayon si Pancho Magno. Ang mahalaga po iyong lesson na maipaaabot namin sa mga nanonood sa aming soap.”

Wala bang nagbabawal na magpasexy siya?

“Wala po naman dahil ginagawa ko lang kung ano ang role na ibinibigay nila sa akin. May limitations din po naman ako sa sarili ko at alam ko kung hanggang saan lang ang p’wede kong gawin. Isa pa po, mahigpit ang MTRCB lalo na at nasa afternoon slot kami, kaya may classification sila sa aming drama series.”

Napapanood ang Ang Lihim ni Annasandra pagkatapos ng Yagit.