Isang 10-anyos na lalaki ang namatay at apat na iba pa ang nawawala sa tuluy-tuloy na pagulan sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Kinilala ang nasawi na si Angelo Clavine, ng Barangay West Haboghabog sa Molo, Iloilo City, na namatay matapos makuryente.

Nawawala naman sina John Paul Obaridas, 15; at Anthony Jardeleza, 16, kapwa residente ng Barangay Calajunan, Mandurriao, Iloilo City; Eser B. Oro, ng Bgy. Cambagahan, Bais City, Negros Oriental; at Maungko Mastura, 35 anyos.

National

Abalos, kinumpirma intensyon ni Wesley Guo na sumuko

Sinabi ng NDRRMC na apektado ng matinding ulan ang 11,688 pamilya o 58,666 na katao sa 51 barangay sa Western Visayas, Zamboanga at Maguindanao.

Umabot na rin sa 819 na pamilya o 4,362 indibiduwal ang kasalukuyang kinakalinga ng awtoridad sa 26 na evacuation center.

Ang malakas na pag-ulan ay naranasan sa maraming lugar sa Western at Central Visayas, at sa Maguindanao, Lanao del Sur at Zamboanga City sa Mindanao simula pa noong Oktubre 7, ayon pa sa NDRRMC.

May napaulat din na pagguho ng lupa sa Bgy. Bunsag sa Lambunao habang ilang lugar sa Bacolod City ang lubog sa baha. - Elena Aben