Nagbigay ng karagdagang karangalan sa Pilipinas ang nakamit na medalyang pilak sa ipinadalang lahok sa Asian Kids Arts Contest sa 17th Asian Games sa Incheon City, South Korea noong Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.

Napasakamay ng 14-anyos na si Wika Nadera, mula sa 39 kasali sa buong Asya, ang ikalawang puwesto upang nakatakdang tanggapin ang medalyang pilak, plake at US$3,000 cash prize (P120,000) mula sa nag-organisang Olympic Council of Asia (OCA).  

Ipinarating mismo ng OCA ang resulta kay Philippine Sports Commission (PSC) Executive Director Atty. Guillermo Iroy Jr. at PSC Plans and Programs Development Division chief Dr. Lauro Domingo Jr. kay Incheon Asiad Chief of Mission at PSC chairman Ricardo Garcia.

Nakatakdang magtungo ang estudyante ng Philippine High School for the Arts sa Los Baños, Laguna na si Nadera sa opisina ni Garcia para sa isang courtesy call ngayong hapon.

National

Sen. Risa, ininterview ni Toni Gonzaga para sa Women’s Month

Iprinisinta ng dating estudyante sa Claret na si Nadera ang obra nito sa isinagawang PSC-POC Asian Kids Art Competition noong Hulyo 7-18 kung saan ay naibulsa nito ang P10,000 premyo.

Isa ang arts competition sa highlight ng Incheon Asian Games Organizing Committee (IAGOC) para palawakin at maipakilala ang kultura at mapasigla ang pagkakaibigan ng 45 lumahok na bansa sa katatapos na kada apat na taong torneo bilang proyekto ng OCA Culture Committee.

Nagwagi naman sa kompetisyon na para lamang sa mga batang may edad 11 hanggang 15 ang obra na mula sa Kazakshtan na iniuwi ang gintong medalya at pumangatlo ang United Arab Emirates (UAE) para sa tansong medalya.