Tanging ang Incheon Asian Games gold medalist na si Daniel Patrick Caluag ang maaring mapabilang sa ipatutupad na prioritization program ng Philippine Sports Commission (PSC) at hindi ang kinabibilangan nitong Intergrated Cycling Association of the Philippines (PhilCycling).  

Ito ang sinabi ni PSC Chairman Richie Garcia hinggil sa kahilingan naman ni Cavite City Representative at cycling president Abraham “Bambol” Tolentino na isama ang sports sa listahan ng ahensiya na bibigyan ng prayoridad at dagdag na pondo para sa pagsasanay at paghahanda sa mga internasyonal na torneo.  

“We can only include BMX in the priority list and not the whole cycling organization,” paliwanag ni Garcia, matapos nitong kumpirmahin ang pagbibigay ng kabuuang P500,000 insentibo kay Gregory Romero, na Fil-American coach ni Caluag na siyang tanging nagbigay ng gintong medalya sa Pilipinas sa 17th Asiad.

Ipinaliwanag din ni Garcia na si Caluag, kasama ang kapatid nito na si Christopher John, ang posibleng mapabilang sa listahan ng mga indibidwal na mapapabilang sa priority list kasama ang tatlong nagwagi ng medalyang pilak at 11 tansong medalya sa kada apat na taong torneo.

Probinsya

Centennial bust ni NA F. Sionil Jose, inilantad sa publiko

Hindi maikonsidera ng PSC na ihanay ang cycling sa priority list matapos na mabigo ang mga ipinadala nitong cyclists sa road race na sina Mark John Lexer Galedo at Ronald Oranza. Si Galedo ay naging gold medalist sa Individual Time Trial sa Myanmar SEA Games habang tanso naman si Oranza na kapwa na naging tiket nila tungo sa Asian Games.  

Ilang siklista rin na nasa listahan bilang miyembro ng national team ang matagal na sinuportahan ng PSC para sa buwanang allowance, equipment at pagsali sa mga torneo sa labas ng bansa subalit hindi man lamang nakapagbigay ng korona at medalya sa mga internasyonal na torneo.

Matatandaan na bago isagawa ang Incheon Asian Games ay binuwag ng PhilCycling ang lahat ng mga koponan nila sa Mountain Bike (Downhill at Cross country) at maging sa Road race kung saan ay tanging naiwan lamang si Galedo at Oranza.

Nakatakda namang makipag-pulong si Garcia, siya ring tumayong Chef de Mission ng delegasyon ng Pilipinas sa Asian Games, kay Philippine Olympic Committee (POC) President Jose “Peping” Cojuangco upang ipasa ang ulat at pag-usapan ang isasama nito sa priority sports.

Walong national sports association na lamang ang naiwan sa unang kinilalang 10 priority sports matapos alisin ng PSC ang swimming at weightlifting.

Maliban sa boxing, taekwondo at wushu na kabilang sa walong priority sports, tanging ang cycling na hindi kabilang sa programa ang nakapagbigay ng gintong medalya sa Pilipinas.