Initsa-puwera noong Miyerkules ng Commission on Elections (Comelec) ang panawagan ng isang non-government organization na ibasura na ang muling paggamit ng Precinct Count Optical Scan (PCOS) machines sa halalan sa Mayo 2016.
Sinabi ni Comelec Chairman Sixto Brillantes na hindi nila maaaring itapon ang PCOS machines dahil hindi sila binigyan ng sapat na budget allocation para sa isang bagong automated election system (AES).
“We don’t have money for that,” aniya sa isang panayam.
Bago ito, hinimok ng Government Watch ang Comelec na gumamit ng bagong AES sa susunod na eleksyon sa halip na muling gamitin ang PCOS machines tinukoy na dahilan ang mga pinaghihinalaang kaso ng pagkakaiba sa mga resulta ng physical count ng mga balota at ng voting machines.
Gayunman, hindi sumang-ayon si Brillantes sa grupo ikinatwirag hindi irerekomenda ng advisory council ng poll body ang muling paggamit ng PCOS kung kumbinsido sila na hindi ito maaaring makabuo ng mga kapani-paniwalang resulta ng halalan.
“They won’t recommend that without thoroughly studying it,” aniya.
“We (en banc) will not allow that also…yes there are deficiencies but these are minor and we are already correcting it,” dagdag ni Brillantes.
Naunang nagpasya ang Comelec en banc na muling gamitin ang PCOS machines at ang secondary Optical Mark Reader (OMR) technology para sa pampanguluhang botohan sa 2016.
Sinabi ni Brillantes na maaari silang bumili ng halos 40,000 units ng secondary OMR technology bilang karagdagan sa 80,000 PCOS units na kanilang binili sa nakaraang halalan
Magsasagawa rin ang Comelec ng pilot-test sa Direct Recording Electronic (DRE) machines at internet voting system sa paparating na halalan.
Sinabi ni Brillantes na ang pilot testing ay bilang paghahanda para sa kanilang mga posibleng paggamit sa mga halalan sa hinaharap. (Leslie Ann Aquino)