Kinumpirma ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagtaas ng presyo ng pagkain na karaniwang inihahanda sa Pasko at Bagong Taon.

Ayon sa DTI nagtaas ang presyo ng keso de bola ng P65 kada piraso, P63 bawat kilo ng hamon, P23 sa gatas depende sa brand at P6 naman sa fruit cocktail sa mga supermarket.

Samantala, ilang Noche Buena items ang bumaba ang presyo, gaya ng elbow macaroni, pasta o spaghetti na nasa P31.

Tiniyak ng DTI na maglalabas ito ng suggested retail prices (SRPs) ng Noche Buena items sa mga susunod na araw hanggang sa katapusan ng Oktubre na ilalagay sa mga tindahan bilang gabay ng mga mamimili.

MRT-3 GM Bongon, sinibak sa puwesto dahil sa nagkaaberyang escalator

Nagbabala ang DTI sa mga negosyante na huwag mag-overprice at tumalima sa itinakdang SRP upang makaiwas sa multang P5,000 hanggang P1 milyong piso at pagkasara ng kanilang establisimiyento o negosyo kapag napatunayang paulit-ulit na ang paglabag.

Noong Disyembre 2013, natuwa ang DTI sa anim na supermarkets sa Metro Manila na tumalima sa SRPs ng Noche Buena products kabilang ang Liana’s Supermarket at Welcome Supermarket Metro Point sa Pasay City, Rustan’s Supermarket, SM Supermarket at SM Hypermarket sa lungsod ng Makati at Robinson’s Galleria Supermarket, Ortigas batay na rin sa pinaigting na price monitoring ng ahensiya.

Hinikayat ng DTI ang consumer na i-report ang mga tindahan na nagbebenta na lagpas sa SRPs sa DTI Office o tumawag sa DTI direct hotline sa 751-3330.

Pinayuhan ang mga konsumidor na tiyaking pareho ang price tag o shelf price ng produkto sa presyo sa cashier at suriing mabuti at timbangin ang presyo at bigat sa mga kalabang brand.