Makaangat muli sa internasyonal na komunidad ng volleyball ang inaasam ng pamunuan ng Philippine Volleyball Federation (PVF) na nakatakdang ihayag ang bubuuing national men’s at women’s team sa susunod na linggo.
Katulong ang PLDT Home Fibr, sinabi ni PVF president Geoffrey Karl Chan na unti-unti na ang pagbabago sa direksiyon ng kasalukuyang pamunuan upang muling maiangat ang dating kinagigiliwang volleyball.
“Slowly, we want to lay the foundation first, and that is to have our national teams. Matagal na panahon din kasi tayo na parang walang identity kasi walang national team. But now that we have our sponsor plus the talents, we can say that we are now on the right track,” sabi ni Chan.
Huling nakabuo ng pambansang koponan sa kababaihan noong 2005 kung saan ay nag-uwi sila ng tansong medalya sa Manila Southeast Asian Games na ginanap sa Bacolod City. Matapos nito ay agad na binuwag ang koponan at hindi na pinasali sa sumunod na apat na SEA Games na 2007, 2009, 2011 at 2013.
Nagawang hablutin ng national men’s team ang gintong medalya sa SEA Games noong 1993 bago na lamang nawalang parang bula ang koponan. Pilit itong nagbabalik subalit hindi makapasa na maisama sa pambansang delegasyon bunga ng masasaklap na kampanya.
Sinabi naman ni Chan na nakatuon ngayon ang PLDT Home Fibr at PVF na makapagpartisipa sa kada dalawang taong torneo na gaganapin sa Singapore sa Hunyo 2015. Kasunod nito ang paglahok sa de-kalidad na torneo na hakbang upang muling makilala ang Pilipinas sa volleyball.
Inaasahan na ihahayag ng PVF at PLDT Home Fibr ang komposisyon ng pambansang koponan matapos ang isinagawang tatlong try-out sa Ninoy Aquino Stadium.
Mahigit sa 70 manlalaro sa kababaihan at kalalakihan ang nagsidalo sa try-out kung saan pipiliin ang kabuuang 19 na miyembro sa kada koponan na siyang pagkukunan ng regular na 12 manlalaro at pitong reserba.
Ang koponan ay isasabak sa AVC Women’s Under 23 Championships sa Mayo 2015 sa bansa kung saan ay makakasama ang ilang ekspiriyensado at beteranong manlalaro sa pambansang koponan para sa paglahok sa 2015 SEA Games.