Matapos ang matagumpay na pagdepensa sa nagretiro nang si multi-division world champion Jorge Arce na tinalo sa 11th round TKO noong Linggo sa Sinaloa, Mexico, kaagad hinamon ni WBC featherweight champion Jhonny Gonzalez ang kanyang katapat sa WBA na si Nonito Donaire Jr. sa isang unification bout.
Ayon kay boxing writer Miguel Rivera ng BoxingScene.com, nagpahayag ng interes si Gonzalez na labanan si Donaire na nakatakda namang magdepensa sa mapanganib na si Nicholas Walters ng Jamaica sa Oktubre 18 sa StubHub Center sa Carson, California sa isa ring unification bout.
Ang “The Filipino Flash” na si Donaire ang super champion ng WBA sa featherweight division samantalang si Walters ang WBA ‘regular’ featherweight champion at kinumpirma ni Gonzalez na nasa ringside siya para basahin ang mahalagang laban.
May kartadang 57-8-0 (win-loss-draw) na may 48 panalo sa knockouts, naging matagumpay si Gonzalez mula nang kumampanya sa featherweight division simula noong 2010 at naigiya ang kanyang pagsasanay ni Hall of Fame trainer Nacho Beristain.
Kung hindi lalabanan ni Donaire, alternatibo ni Gonzalez na magdepensa kay NABF featherweight champion Marvin Sonsona na isa ring Pilipino o umakyat ng timbang at hamunin si WBC super featherweight champion Takashi Miura ng Japan.