Nagpalabas na ang Lipa City Regional Trial Court ng warrant of arrest laban sa isang Pinoy na pinaghihinalaang miyembro ng kilabot na Siniloa drug cartel, na nakabase sa Mexico.
Sinabi ni Chief Insp. Roque Merdegia, tagapagsalita ng Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (AIDSOTF), na naiparating na sa kanilang kaalaman ang warrant of arrest na ipinalabas ng korte laban kay Jorge Torres.
“We are now coordinating with the DOJ (Department of Justice) for his extradition,” sabi ni Merdegia.
Si Torres ay isang Pinoy na itinuturong kakutsaba ng Siniloa drug cartel sa pagsisimula ng operasyon ng grupo sa Pilipinas.
Nadiskubre ng intelligence community ang pagpasok sa Pilipinas ng Siniloa drug syndicate, itinuturing na kilabot na sindikato ng droga sa Latin America, noong nakaraang taon.
Sa isinagawang follow up operation ng pulisya, nakakumpiska ang awtoridad ng milyun-milyong pisong halaga ng ilegal na droga sa isang farm sa Barangay Inusloban sa Lipa City.
Ayon sa pulisya, si Torres ang umupa ng lugar sa Barangay Inusloban kung saan itinayo ang shabu laboratory ng kanilang grupo.
Subalit bago pa man sinalakay ng pulisya ang shabu laboratory ay nakatakas na si Torres sa lugar, ayon sa ulat. - Aaron Recuenco