Hiniling ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) sa Office of the Ombudsman na imbestigahan din ang 21-anyos na anak ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Alan LM Purisima sa imbestigasyon ng katiwalian kung saan isinasangkot ang kanyang ama.
Ito ay matapos magsumite ang VACC ng 3-pahinang supplemental affidavit sa reklamong kriminal na inihain nito noong Setyembre 29 laban sa hepe ng Pambansang Pulisya.
Iginiit ni VACC Chairman Dante Jimenez na dapat ding imbestigahan si Rainier Von Purisima upang madetermina kung paano ito nakapagpatayo ng isang poultry farm sa Nueva Ecija na nagkakahalaga ng P90 milyon.
Naniniwala si Jimenez na walang kakayahan si Rainier na makabili ng mga modernong pasilidad para sa poultry farm at malaki ang posibilidad na ginagamit lamang ito bilang isang “dummy” upang maitago ng PNP chief ang kuwestiyunableng yaman nito.
Hiniling din ng pinuno ng VACC sa Ombudsman na isailalim sa preventive suspension si Purisima upang hindi maimpluwensiyahan ng kanyang posisyon ang resulta ng imbestigasyon.
Hiniling din ng grupo na imbestigahan ang mga kontratista na nagkumpuni ng kontrobersiyal na “White House,” ang opisyal na tahanan ng PNP chief sa loob ng Camp Crame, Quezon City dahil sa pagkikipagkutsabahan umano ng mga ito sa katiwalian.
Dapat din aniyang sampahan ng kasong katiwalian ang mga opisyal ng San Leonardo Assessors dahil sa umano’y pamemeke ng sertipikasyon na walang real estate properties si Purisima sa munisipalidad. - Jun Ramirez