ATENEO Swim Champs

Kinumpleto ng Ateneo ang kanilang unang UAAP swimming championship double, kinubra ang Season 77 men’s at women’s divisions competitions noong Linggo sa Rizal Memorial Swimming Pool.

Pinamunuan ni Incheon Asian Games veteran Jessie Khing Lacuna ang pag-atake, kinamkam ng Blue Eagles ang nakalululang 540 puntos upang hubaran ang University of the Philippines (UP) at pumangalawa lamang na mayroong 325 puntos.

Sa kanyang pagwawagi ng pitong gold medals sa record fashion sa 200-meter individual medley (2:05.59), 400-meter freestyle (4:04.86), 100-meter butterfly (56.01), 200-meter freestyle (1:53.02), 50- meter butterfly (25.47), 400-meter individual medley (4:37.10) at 200- meter butterfly (2:03.93) para sa maximum 105 points, kinilala si Lacuna bilang men’s MVP.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Ito ang ikalawang men’s championship ng Ateneo matapos ang tatlong taon, kung saan ay pinasalamatan din nila si Aldo Batungbacal, na pinangalanan naman bilang Rookie of the Year makaraang burahin ang 13-year old record ni Timmy Chua sa 200-meter breaststroke na taglay ang bagong league mark na 2:24.23 oras upang kolektahin ang 90 points.

Tumapos ang University of Santo Tomas (UST) sa ikatlong puwesto na taglay ang 187 points.

Tinapos na rin ng Lady Eagles, napagwagian ang kanilang unang championship noong 2008 na ginabayan ng powerhouse line-up sa pangunguna ni Nikki Santiago, Ian Banzon at Heidi Gem Ong, ang six-year title drought makaraang kumolekta ng 468 points upang patalsikin ang Lady Maroons (430) sa kanilang trono.

Hinablot ni rookie transferee Hannah Dato ang MVP honors sa distaff side nang ibulsa ang pitong gold medals, at burahin ang bawat UAAP mark sa 200-meter individual medley (2:21.66), 400- meter freestyle (4:30.76), 100-meter butterfly (1:02.22), 200-meter freestyle (2:07.87), 50-meter butterfly (28.20), 400-meter individual medley (5:05.08) at 200-meter butterfly (2:19.71) upang tumapos na may 105 points.

Si Ariana Herranz ng Ateneo ang naging top rookie sa women’s division matapos ang nakahahanga nito 80 points.

Napasakamay ng La Salle ang third place trophy na kaakibat ang 121 points.

Ipinagkaloob naman kina Eagles coach Sherwin dela Paz at Lady Eagles mentor Candice Esguerra ang Coach of the Year plum.

Sa juniors division, napagtagumpayan ng Ateneo ang kanilang ika-10 sunod na boy’s title sa naiposteng 544 points, binigo ang UST (318), at La Salle-Zobel (211), habang pinangunahan ng UST ang girl’s side sa naitalang 360 points kung saan ay inungusan nila ang UP Integrated School (317) at La Salle-Zobel (235).