Pinatay ng isang ama ng tahanan ang tatlo niyang anak na paslit at ang biyenan niyang babae bago niya pinagsasaksak ang sarili sa Sitio Manlayag sa Barangay Panalipan, Catmon, Cebu, noong Linggo.

Kinilala ang pinaslang na magkakapatid na sina Estephanie Figues, 6; John Eric Figues, 4; at Erica Lynn Figues, dalawang taong gulang. Pinatay din ang lola ng mga ito na si Emilda Molat, 47.

Napag-alaman na nagdiriwang ng kanyang kaarawan si Estephanie sa bahay ni Molat at umuwi sa sariling bahay na malapit lang sa bahay ng matanda para sunduin ang mga kapatid.

Pero hindi na nakabalik si Estephanie hanggang nakarinig si Molat ng sigaw mula sa bahay ng mga apo at nakitang duguan ang mga bata dahil sa mga saksak sa iba’t ibang parte ng katawan.

Eleksyon

Ex-Pres. Rodrigo Duterte, tatakbong mayor sa Davao City; ayaw tumakbong senador?

Nang sumigaw si Molat ay pinagsasaksak din siya ng suspek na si Eric Figues, 27, hanggang sa siya ay mapatay.

Nang rumesponde ang mga awtoridad ay dinatnan nilang patay na din ang suspek matapos magsaksak sa sarili.

Nabatid na wala sa bahay ang asawa ng suspek dahil nagtatrabaho sa Lapu-Lapu City.

Lumalabas sa imbestigasyon na ang sobrang pagseselos ng suspek sa misis ang nagtulak dito para patayin ang sariling mga anak at biyenan.