Sumayaw at makibahagi sa bagong kasaysayan! Sa pangunguna ni Quezon City Mayor Herbert Bautista, hinihikayat ang lahat na sumali sa una at pinakamalaking Zumba Outdoor Fitness Party sa Oktubre 12, 4:00 ng hapon, sa Quezon Memorial Circle.

Bilang bahagi ng nalalapit na ika-75 anibersaryo ng lungsod, layunin ng aktibidad na masungkit ang Guinness World Record laban sa unang naitala ng India nang umabot sa 6,671 ang lumahok noong Setyembre 15, 2012.

“Ito ay isang napakahalagang pagkakataon ‘di lamang para sa mga taga-Quezon City, kundi para sa lahat na maipamalas sa buong bansa at buong mundo ang ating pagkakaisa para sa iisang layunin,” ani Bautista.

Bukod sa pagtatangkang makapagtala ng bagong world record, layunin din ng pagdiriwang ang pagsusulong sa Zumba bilang isang mabisa, moderno at masayang uri ng ehersisyo na kasalukuyang kinawiwilihan ng marami.

National

PBBM sa National Teacher's Day: 'I wish you a joyful and productive celebration'

“Napakalaki ng pagkakataon natin na masungkit ang karangalan na ito, kaya sana pagtulung-tulungan natin na makapag-ambag ng ating suporta at panahon para makamit ang bagong Guinness Record sa pamamagitan ng pagsasama-sama para sa kalusugan at karangalan sa darating na Zumba Outdoor Fitness Party,” mensahe pa ni Bautista.

Katuwang ang Zumba Instructors Network (ZIN), ang mga lalahok ay kinakailangang sumayaw nang tuluy-tuloy sa loob ng 30 minuto.

Para sa mga karagdagang impormasyon sa Zumba Fitness Outdoor Party, mag- email sa [email protected], o bumisita sa Facebook: qczparty o www.qczparty.com, o tumawag sa 0905-4294316.