SCIENCE CITY OF MUÑOZ, Nueva Ecija – Minalas na naubusan ng gasolina ang kotse na tinangay ng isang carnapper mula sa isang doktora sa Road 5 sa Teacher’s Village sa Barangay Poblacion South ng lungsod na ito.

Batay sa report ni Supt. Michael Angelo Zuñiga, hepe ng Muñoz Police, sa tanggapan ni Nueva Ecija Police Provincial Office director Senior Supt. Crizaldo Nieves, nakilala ang biktima na si Dr. Belinda Abes-Fernandez, 54, pediatrician, na nasalisihan at natangayan ng Honda City (NJI-846) ng hindi nakilalang suspek.

Lumitaw sa pagsisiyasat ni PO3 Gabriel Santiago na igagarahe na ni Fernandez ang minamanehong kotse at bumaba para buksan ang gate pero sumalisi ang suspek at pinasibad ang sasakyan.

Agad na nakahingi ng tulong sa pulisya ang biktima hanggang natagpuan ng awtoridad ang kotse na inabandona makaraang maubusan ng gasolina.
National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20