Naisampa na ng Department of Justice (DoJ) ang kaso laban sa tatlong suspek sa tangkang pagpapasabog sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Ang kasong illegal possession of incendiary device ay inihain sa Pasay Regional Trial Court (RTC) laban kina Grandeur Guerrero, Emmanuel San Pedro at Sonny Yohanon.

Sa resolusyon na nilagdaan ni Assistant State Prosecutor Aristotle Reyes at inaprubahan ni Prosecutor General Claro Arellano, napagtibay na may probable cause ang reklamong isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI)-Anti Organized and Transnational Crime Division laban sa tatlong suspek na umano’y nasa likod ng natagpuang mga pampasabog sa loob ng isang sasakyan na nakaparada sa NAIA noong Setyembre 1, 2014.

Samantala, ibinasura naman ng DoJ ang kasong illegal possession of firearms laban sa tatlo dahil nabigo umano ang NBI na magsumite ng sertipikasyon na magpapatunay na may bitbit na hindi lisensiyadong baril ang tatlo.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Wala rin umanong ebidensiya na naiprisinta ang NBI na magpapatunay sa kanilang paratang na ang mga respondent ay bahagi ng grupo na nais maghasik ng karahasan sa pamamagitan ng pagpapasabog sa NAIA, Chinese Embassy, isang shopping mall sa Pasay at isang gusali ng malaking construction company.

Una nang tinukoy ng NBI na nakatanggap sila ng intelligence information tungkol sa grupong USAFFE na nagbabalak umanong maghasik ng destabilisasyon.