Patay ang isang 17-anyos na estudyante nang malunod habang naliligo sa Manila Bay sa Roxas Boulevard, Ermita, Manila kahapon ng umaga.

Kinilala ang biktimang si Marvin Cuaresma, na residente ng 1421 P. Guevarra Street, Sta. Cruz, Manila.

Lumilitaw sa imbestigasyon ni SPO2 Jonathan Bautista, dakong 7:30 ng umaga nang mangyari ang insidente sa tabi ng Manila Ocean Park.

Nagtungo umano ang biktima at 12 kaibigan nito sa Manila Bay, malapit sa Manila Ocean Park, upang mag-stroll at maligo dakong 3:00 ng umaga.

National

VP Sara Duterte, binisita si Ex-VP Leni Robredo sa Naga

Habang nagkakatuwaan sa paliligo ay naglalaro pa umano ang biktima at tinatakpan ang ilong bago lulubog at magpapa-bubbles sa tubig.

Gayunman, maya-maya ay nagtaka ang kanyang mga kaibigan dahil hindi na umahon pa ang biktima, na nabatid kalaunan na hindi pala marunong lumangoy.

Kaagad na humingi ng tulong ang mga kaibigan ng biktima at nang makita ito ng isang William dela Cruz na nagmagandang-loob na sumisid sa dagat, ay isinugod ang biktima sa pagamutan ngunit patay na ito.