Inanyayahan ng Philippine Volleyball Federation (PVF) ang lahat ng pinakamagagaling na volleyball player sa bansa para sa gaganaping national volleyball tryout tungo sa pagbuo ng pambansang koponan sa men’s at women’s sa Ninoy Aquino Stadium sa Setyembre.

Sinabi ni PVF president Karl Geoffrey Chan na asam nilang makabuo ng pinakamalalakas na koponan sa kalalakihan at kababaihan na target isabak sa iba’t ibang lokal at internasyonal na torneo, partikular na sa susunod na taong Southeast Asian Games (SEAG) sa Singapore.

“Basically, our aim is to built the strongest possible national team in the men’s and women’s,” pahayag ni Chan.

“Matagal na rin tayong hindi nakakasali sa Southeast Asian Games (SEA) at iyan ang ating unang objective. Next are those qualifying events sa mga international like in the 2016 Rio de Janeiro and World Champioonships,” sinabi pa ni Chan.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Itinakda naman ang national volley team tryout sa Setyembre 4 at 5 na siyang sasala para sa bubuuing komposisyon sa men’s team habang isasagawa naman sa Setyembre 8 at 9 ang seleksiyon para sa women’s volleyball team na gaganapin sa ganap na alas-9:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali.

Matatandaan na huling nagkaroon ng pambansang koponan sa kababaihan noong 2005 na nakuha pang iuwi ang tansong medalya sa ilalim ni national coach Ramil se Jesus bago binuwag at hindi na nakalahok sa nakalipas na tatlong edisyon ng SEA Games- 2007, 2009 at 2011.

Hindi na rin matandaan ni Chan kung kailan huling sumabak at nakuhang magwagi ng medalya ang men’s volley team sa SEA Games bagamat umaasa ito na muling makakaahon ang bansa sa pagbuo nito ng pambansang koponan sa pag-imbita sa pinakamahuhusay na manlalaro.

Samantala, natapos na ang tryout para sa bubuuing U17 PH Youth Girls Volleyball Team noong Agosto 25 at sasalain na lamang ng itinalagang coach staff na sina Jerry Yee, Raymond Castillo at Emilio Reyes Jr. ang komposisyon.

Ang koponan ay nakatakdang sumabak sa 10th Asian U17 Youth Girls Volleyball Championships sa Nakhon Ratchasima, Thailand sa Oktubre 11-19.