CABIAO, Nueva Ecija - Naaresto ng mga pulis ang isang most wanted person na sinasabing security officer ng isang party-list congressman, matapos itong magpaputok ng baril habang nakikipag-inuman noong Linggo ng gabi sa Barangay San Carlos sa bayang ito.

Sa ulat ni Supt. Ricardo Villanueva, hepe ng Provincial Public Safety Company (PPSC), sa tanggapan ni Nueva Ecija Police Provincial Office director Senior Supt. Crizaldo O. Nieves, nakilala ang naaresto na si Arnold Francisco Gamboa, 44, ng Purok 7, Bgy. San Carlos, ikawalong most wanted sa bayan ng Sta. Rosa sa kasong frustrated murder, at umano’y tauhan ni I-CARE Party-list Rep. Michael Angelo Rivera.

Nabatid na dakong 9:20 ng gabi, nagsasagawa ng checkpoint ang PPSC, sa pamumuno ni Insp. Ferdinand Somera nang nakarinig sila ng sunud-sunod na putok ng baril mula sa grupo ng kalalakihang nag-iinuman.

Habang papalapit ang mga pulis ay nagpulasan ng takbo ang mga nagiinuman at tanging si Gamboa na lang ang inabutan at naaresto makaraang makumpiskahan ng isang .45 caliber pistol, dalawang magazine at 14 na bala na nakarehistro umano sa isang Teodulo Aawat Inciong, ng Bgy. Kilo-Kilo South, Padre Garcia, Batangas. - Light A. Nolasco
National

Leni Robredo binisita puntod ng asawa bago tuluyang naghain ng COC sa Naga City