Mga laro ngayon (Fil-Oil Flying V Arena):

12 p.m.- Jose Rizal vs Letran (jrs/srs)

4 p.m.- St. Benilde vs EAC (srs/jrs)

Mapagtibay ang kanilang pagkakaluklok sa ikalawang puwesto ang tatangkain ng season host Jose Rizal University (JRU) sa kanilang pagsagupa sa Letran College (LC) sa seniors division at second round ng NCAA Season 90 basketball tournament sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.

Marcoleta, pinigilang magtanong tungkol sa proposed ₱6.352-trillion 2025 nat'l budget

Galing sa malaking panalo laban sa defending champion San Beda College (SBC) sa pagtatapos ng first round, magtatangka naman ang Knights na bawian ang Heavy Bombers sa ipinalasap na 60-69 pagkabigo noong nakaraang Hulyo 14.

Inaasahan ng Knights na mabibitbit ang momentum sa nasabing 64-53 panalo kontra sa Red Lions para makamit ang kanilang ikaapat na tagumpay at makaangat sa kinalalagyang ikaapat na posisyon na taglay ang barahang 3-6 (panalo-talo) kasalo ang Emilio Aguinaldo College (EAC) na sasalang naman kontra St. Benilde sa tampok na laro.

“It’s all about the players playing hard,” pahayag ni Knights coach Caloy Garcia. “Hopefully this will give us confidence heading into the second round.”

Para naman kay JRU coach Vergel Meneses, inaasahan niya na muli silang makakapag-execute ng maayos na depensa na siyang magbibigay daan para sa kanilang mas magandang opensa na gaya ng nangyari sa nakaraang panalo nila sa Mapua sa pagtatapos ng first round.

Samantala, sa tampok na laro, target naman ng College of St. Benilde (CSB) na makapagsolo sa ikatlong puwesto kung saan ay kasalukuyan silang magkasalo ng University of Perpetual Help Dalta System (UPHDS) na hawak ang barahang 5-4 (panalo-talo) sa pagtutuos nila ng EAC na nais namang dugtungan ang huling dalawang kabit na panalong naitala sa pagtatapos ng unang round.