Nagkaroon ng matinding pagasa ang Pilipinas na makapagbulsa ng medalya noong Lunes ng gabi matapos tumuntong sa finals sa dalawang pinaglalabanang event ang Fil-American gymnast na si Ava Lorein Verdeflor sa artistic gymnastic sa ginaganap na 2nd Youth Olympic Games sa Nanjing, China.

Ito ay nang umusad ang 15-anyos na si Verdeflor, nadiskubre sa World Olympic Gymnastics Academy (WOGA) sa Plano, Texas, sa finals ng walo kataong individual event sa uneven bars at sa 18-katao para sa gintong medalya sa women’s all-around.

Nagawa ng 2014 Philippine National Games (PNG) multi-medalist na si Verdeflor na tumapos sa ika-6 na puwesto sa uneven bars sa iskor na 12.700 para magtangka sa nakatayang medalya sa individual event habang nasa ika-12 puwesto naman ito sa pinagsamang event sa women’s all-around.

Hindi naman ito pinalad sa tatlong event matapos na umakyat lamang sa ika-32 puwesto sa vault sa iskor na 13.00 habang ika-13 puwesto sa balance beam sa iskor na 12.700.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Nagkasya naman ito sa ika-20 puwesto sa individual floor exercise sa iskor na 11.950.

Gayunman, ang kanyang kabuuang iskor na 50.200 sa apat na events, 13.100 sa vault, 12.450 sa uneven bars, 12.700 sa balance beam at 11.950 sa floor exercise, ang nagtulak sa kanya sa ika-12 puwesto upang tangkain ang medalya ngayong umaga.

Nangunguna naman sa women’s all-around ang mula sa Russian Federation na si Seda Tutkhalyan (53.650) habang pumangalawa ang Great Britain na si Elissa Downie (53.500). Pumangatlo naman ang Romanian na si Laura Jurca (53.250).

“I’m relieved. I’m really happy on how I did, maybe not so much on beam but I feel like I really did good on floor and vault,” sinabi ni Verdeflor habang kasama ang coach na si Yevgeny Marchenko, ang 5-time world champion sa sports acrobatics.

Samantala, nanguna naman sa unang qualifying heat ng 200-meter backstroke ang swimmer na si Roxanne Ashley Yu sa isinumite nitong personal best na 2:18.96. Tinabunan ng 5-foot-5 na si Yu, na lumangoy sa lane 3, ang kanyang personal best na 2:19.53 oras.

Gayunman, hindi nakuwalipika si Yu sa finals matapos na tumuntong lamang sa ika-19 puwesto sa itinala nitong oras mula sa kabuuang 30 kalahok. Una nang lumangoy noong Linggo si Yu sa 100-meter heats at tumapos na ika- 26 mula sa 33 kalahok at nabigo din sa finals sa pagtala din ng personal best na 10 minuto at 05.16 segundo.

Sasabak din ngayong umaga ang Fil-American trickster na si Zion Rose Nelson sa 400-m heats kasama ang shooter na si Celdon Jude Arellano na aasinta sa kanyang unang pagkakataon sa torneo sa men’s 10m air rifle.

Ang archer na sina Bianca Cristina Gotuaco at Luis Gabriel Moreno, tutudla sa recurve, ay makikita sa aksiyon sa Biyernes.

Hindi pa nagwawagi ang Pilipinas ng medalya matapos isagawa ang YOG may apat na taon na ang nakalipas sa Singapore kung saan ay nagpadala ang bansa ng siyam na atleta.