direk-jun-lana-copy

ISA si Jun Robles Lana sa mga naunang nag-react at nagpahayag ng saloobin sa social media sites tungkol sa pag-upload ng mga pelikulang naging bahagi ng Cinemalaya noong 2012 at 2013, kasama ang kayang obrang Bwakaw na pinagbidahan ni Eddie Garcia.

"Cinemalaya, you're supposed to be on the side of the Filipino filmmaker!!! WTF???" Post niya sa kanyang FB wall.

Ang Bwakaw ay nanalong Best Film at naiuwi rin ang NETP AC at Audience Choice Awards sa 9th Cinemalaya Philippine Independent Film Festival and Competition at naging official entry pa ng Pilipinas sa Best Foreign Language Film sa 85th Academy Awards o mas kilala bilang Oscar Awards. Kinilala rin ito sa iba international film festivals, at patuloy pa ring humahakot ng karangalan para sa ating bansa.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Sa nakaraang Cinemalaya awards night, humingi na ng apology ang mga opisyales ng CCP at Cinemalaya Foundation pero as of this date, hindi pa rin nagaganap ang dialogue na hinihingi ng mga filmmaker.

Last August 11, nakausap namin si Direk Jun bago ginanap ang grand premiere ng kanyang bagong pelikulang Barber's Tales sa Cinema 7 ng Trinoma.

"Nagulat ako noong matanggap ko 'yung text na 'yung Bwakaw daw, nasa YouTube. In-upload daw ng Cinemalaya. Ang ikinagulat ko talaga, napanood ko 'yung first thirty minutes, 'tapos tumigil na ako kasi nagulat ako dahil wala namang hininging permiso mula sa amin. So, gaya ng sentimiyento ng maraming filmmakers, sana nagkaroon ng dialogue, sana nagkaroon ng consultation.

"In fact, hanggang ngayon, 'yun ang hinihingi ko. Ngayong tapos na 'yung festival, sana maayos na nila. Sana ipatawag kami para mapagusapan kasi maaapektuhan ito, eh, hindi lang' yung mga filmmakers na sasali, kundi pati 'yung reputasyon ng Cinemalaya. So, sana magkaayus-ayos kami," litanyang award-winning filmmaker.

Ayon pa kay Direk Jun, alam naman daw ng Cinemalaya na malaki ang kanilang investment sa kanilang pelikula.

"Hindi naman maitatago na 'yung seed money na ibinigay sa amin, hindi naman ganu'n kalakihan para mabuo 'yung pelikula. At para ma'balik namin 'yung investment, 'yung iba sa amin, ibinenta 'yung rights sa TV network.

"'Yung iba, nagkaroon ng sales agent na 'yung international rights, exclusive dapat doon sa sales agent na 'yun. So, sa ginawang ito ng Cinemalaya, masasagasaan 'yung mga kontrata na pinirmahan namin sa network, sa sales agent. Alam naman ng Cinemalaya 'yun, eh, kaya nakakagulat na nangyari ito. Ang hinihintay na lang namin, sana magkaayus-ayos at magkaintindihan kung ano ang nangyari," himutok niya.

Hindi ba may pinirmahan sila ng kontrata sa Cinemalaya?

"Kani- kanya kaming intindi ng kontrata, eh, kaya kinakailangang mapag-usapan 'yun. Kasi malinaw din doon sa kontrata na kung sakaling gusto ng Cinemalaya na i-upload online ang pelikula namin at pagkakitaan, kinakailangan merong separate contract between Cinemalaya and the filmmaker para mapag-usapan 'yung revenues.

"'Yung separate contract na 'yun, eh, para makuha mo sa amin, kailangan ng permiso namin. So, wala karning ibinigay na permiso, bakit nila in-upload? So, 'yun ang kailangang pag-usapan, kasi nagiging malabo," paliwanag pa ni Direk Jun.

Sa pagkakaalam niya, July pa na-upload online ang mga pelikulang naipalabas noong taong 2012 at 2013 pero ngayon lang pumutok at napagusapan ang isyu.

"Hindi malinaw 'yun, eh. Kasi ang statement na inilabas ng Cinemalaya ay nagkaroon sila ng isang empleyado na in-upload daw ‘yung mga pelikula na parang hindi nila alam, parang hindi nila pinayagan.

“Kailangang mag-usap kasi hindi ko naiintindihan ‘yun dahil ‘yung mga pelikula naman, in-upload sa website mismo ng Cinemalaya. Wala bang nagbabantay sa website ng Cinemalaya para malaman nila na nandoon ‘yung mga pelikula namin?

Dagdag niya, “At ang mga pelikulang ito, hindi ito maia-upload sa loob ng isang araw, hindi siya maia-upload sa loob ng kalahating araw. So, actually itong mga pelikulang ito, July pa, last week of July pa naka-up na sa website nila. So, sa tagal noon, walang nakapansin sa kanila?

“So, nu’ng tumatakbo ang festival, naka-up na ‘yun. Nu’ng nalaman lang namin ito, kailan lang. Sabado (August 9) ng 9 PM, nagkakagulo na. By Sunday (August 10) ng 2AM, na-out na, nawala na ‘yung mga pelikula. Kasi nagkagulo na, eh, grabe, especially ang mga batang filmmakers, napakamarubdob,” lahad ni Direk Jun.

Ano ang pakiramdam niya sa nangyari?

“Nagulat, nasaktan, hindi namin alam kung ano’ng nangyari. Kasi kung merong isang festival dito ngayon sa atin na tinitingala at mahal na mahal ng mga filmmakers, kasi doon nila nagagawa ‘yung passion projects nila, Cinemalaya ‘yun.

“Cinemalaya ang dapat nag-aalaga sa kapakanan ng mga filmmakers, gaya din ng pagmamahal namin sa Cinemalaya,” wika ng director.

Sa huli’y nag-iwan ng mensahe ang Palanca Award winner.

“Gusto ko lang sabihin sa kanila na sana huwag tayong mag-away-away, sana mag-usap. Walang mararating ‘yung basta na lang natin ilalabas yung init ng ulo kasi hindi natin maiintindihan.

“Naiintindihan ko ‘yung adhikain ng Cinemalaya na gusto nilang magkaroon ng mas malaki at mas malawak na audience kaya nila nilagay sa YouTube. Hindi lang nagkaroon ng consultation. Siguro kapag nagkaroon ng pag-uusap, maaayos ito,” sabi pa ni Direk Jun.

At any rate, showing pa rin ang Barber’s Tales sa ilang piling sinehan. It’s one movie that any Filipino should not miss. It stars Eugene Domingo, Iza Calzado, Gladys Reyes, Shamaine Buencamino, Noni Buencamino, Nicco Manalo, at Sue Prado. May cameo role rin ang superstar na si Nora Aunor.