John & Priscilla

ILANG linggo nang usap-usapan sa showbiz circle ang sinasabing hiwalayan nina John Estrada at Priscilla Meirelles. Kahit itinanggi na ng aktor ang isyung ito, tuluy-tuloy pa rin ang tsismis na hindi na raw maganda ang takbo ng pagsasama ng dalawa sa iisang bubong.

Nakadagdag pa ang ipino-post ni Priscilla sa Instagram kamakailan na nagpapahiwatig na may problema nga silang dalawa.

Pero ipinagdidiinan ni John nang makausap namin siya sa studio ng The Buzz na walang problema sa pagsasama nila ni Priscilla. Aniya, wala namang perfect marriage kaya katulad din ng ibang mag-asawa ay may mga pagsubok din silang pinagdadaanan, sa ngayon.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

“Lahat naman ng mag-asawa, eh, may mga lubak-lubak din sa buhay nila. So, kami rin, we don’t have a perfect relationship, pero ang masasabi ko lang, eh, kayang-kaya naming ayusing dalawa ang lahat ang mga pagsubok namin at ‘yung mga darating pa,” natatawa pang pahayag ni John.

Naipaliwanag din ni John ang isyu na sinabi ng kanyang dating asawang si Janice de Belen na hindi naman nito kaaway si Priscilla pero hindi rin naman sila meant na maging best of friends.

Sabi ng aktor, irespeto na lang ang komento ni Janice.

“Kung gusto naman din talaga nilang maging magkaibigan, eh, di bahala sila. Kung ayaw naman nila or kung okay naman silang ganito, wala din namang problema sa akin ‘yon. Ang importante din naman sa amin ni Priscilla at saka ni Janice, eh, ‘yong mga bata,” banggit pa ng magaling na aktor.

Samantala, sa studio ng The Buzz din may nakapagbulong sa amin -- ang isa sa mga may konek sa showbiz celebrities -- na nag-alsa balutan daw talaga si Priscilla kasama ang anak nila ni John na si Anechka.