May kasabihang “Kapag may usok, may sunog”. May bulungbulungan ngayon ng bantang kudeta laban kay Pangulong Noynoy Aquino. Pinabulaanan agad ito ng AFP sa pamamagitan ni Spokesman Lt. Col. Rafael Zagala. Mismong si Sen. Antonio Trillanes IV, nanguna sa pagaalsa noon laban sa administrasyong Arroyo, ang nagpahayag na may tinanggap siyang impormasyon tungkol dito.

Hindi kaya ang “usok” na nasagap ni Trillanes ay usok lang ng sigarilyo? Sabi nga ni Muntinlupa City Rep. Rodolfo Biazon, ex-AFP chief of staff, ang pahayag ni Trillanes ay “balitang barbero.”

Sa kasaysayan ng bansa, sa panahon ni Tita Cory, ina ni Pangulong Noynoy, naganap ang pinakamaraming kudeta na kagagawan ng mga rebeldeng sundalo sa pangunguna ng noon ay ex-Army Lt. Col. Gregorio “Gringo” Honasan. Si Gringo ang security officer ng noon ay Defense Minister Juan Ponce Enrile. May siyam na insidente ng kudeta ang naitala kung kaya nabansot ang sana ay papalagong ekonomiya ng Pilipinas noon dahil nangatakot ang mga investor na mamuhunan sa bansa.

Sina Enrile at Gringo Honasan ay parehong senador na ngayon. Sila ay kapwa isinasangkot sa P10-billion pork barrel scam ni Janet Lim-Napoles. Si JPE ay nakakulong sa Camp Crame detention cell dahil sa kasong plunder samantalang si Honasan naman ay nakahabla sa kasong katiwalian.

National

Hiling ni Quiboloy na ilipat sa kustodiya ng AFP, ibinasura ng korte

Sa ika-5 SONA ni PNoy, naroroon si Honasan at nakikinig sa talumpati ng Pangulo. Hindi yata nakunan ng TV cameramen ang reaksiyon ni Gringo nang banggitin ni PNoy na noong 1989 coup d’etat, tinambangan ng mga rebeldeng sundalo ang sinasakyan niya. Napatay ang tatlong security at siya ay malubhang nasugatan. Hanggang ngayon ay may mga shrapnel pang nakabaon sa kanyang leeg.

Nakalimutan ba o sadyang hindi isinama sa kanyang SONA ang tungkol sa Freedom of Information (FOI) Bill? Tinuligsa si PNoy tungkol dito, maging nina VP Binay at Sen. Grace Poe. Marahil ay napahiya, isinama ng Pangulo ngayon sa priority measures ang FOI bill bilang ika-12 sa 26 mahahalagang panukala na kelangang ipasa ng Kamara. By the way, ang FOI ay matagal nang pasado sa Senado, pero nakabalaho sa Kamara. Bakit kaya?