Negatibo ang mga reaksiyon hinggil sa mistulang panlalamig sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng mga rebeldeng grupo, tulad ng Communist Party of the Philippines-National Democratic Front (CPP-NDF). Matagal nang inaasahan ng sambayanan ang mabungang peace talk na magbibigay-wakas sa mga karahasang ikinamamatay ng maraming sibilyan at mga alagad ng batas.

Ang pagtanggi ng administrasyon sa pakikipag-usap sa nabanggit na grupo ay nakaangkla sa sinasabing masasalimuot na mga kondisyon na inilalatag ng magkabilang panig. Kung anuman ang mga ito, walang pagkakataon ang dapat masayang upang ipagpatuloy ang laging nabibimbing peace talk. Totoong manaka-naka subalit malagim ang labanan ng New People’s Army – ang armed group ng CPP-NDF at ng tropa ng pamahalaan sa lahat halos ng sulok ng kapuluan.

Patuloy, kung sabagay, ang pagsisikap ng administrasyon sa pagsusulong ng mga usapang pangkapayapaan sa iba’t ibang grupo ng mga rebelde. Katunayan, nilagdaan na ang isang peace agreement sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front at ng gobyerno. Isinilang nito ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) at ang ganap na pagpapatupad nito ay nakasalalay sa Bangsamoro Basic Law na kasalukuyan pang binabalangkas ng administrasyon bago ito ipadala sa Kongreso. Adhikain nito na matamo natin ang pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao at sa mga lugar na pinamamayanan ng mga Muslim.

Subalit nakababahala na sa kabila ng nabanggit na mga pagsisikap, ang nabanggit na kasunduan ay tila hindi katanggap-tanggap sa iba pang grupo ng mga rebeldeng Muslim, tulad ng Moro National Liberation Front at ng iba pang break-away group na hanggang ngayon ay patuloy pa ring naghahasik ng mga kaguluhan.

National

Hiling ni Quiboloy na ilipat sa kustodiya ng AFP, ibinasura ng korte

Hindi iilan ang mga namatay sa labanan, halimbawa, ng militar at ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters. Bukod pa rito ang wala ring patumanggang pagkidnap ng mga bandidong Abu Sayyaf Group.

Naniniwala ako na higit na kailangan ngayon ang pagpapaigting sa pantay-pantay na pakikipag-ugnayan ng gobyerno sa mga balakid sa lasting peace na laging mailap.