April 16, 2026

Home BALITA National

'Hawak mo ang script:' Guanzon, pumatutsada sa testimonya ni Madriaga

'Hawak mo ang script:' Guanzon, pumatutsada sa testimonya ni Madriaga
Photo courtesy: Atty. Rowena Guanzon (FB), File Photo

Kinantahan at nagawang bumuwelta si dating Commission on Elections (Comelec) commissioner Atty. Rowena Guanzon tungkol sa mga nasaad na testimonya ng nagpakilalang “bagman” at “aide” umano noon ni Vice President Sara Duterte na si Ramil Madriaga. 

Matatandaang tila hindi napigilan ni Madriaga na maiyak habang binabasa ang kaniyang affidavit sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Justice sa impeachment hearing laban kay VP Sara noong Martes, Abril 14, 2026. 

Naging emosyonal si Madriaga habang binabasa ang kaniyang affidavit, kung saan inaalala niya ang pagsuporta niya sa Bise Presidente noong 2022 national elections.

"Malungkot lang po," sagot ni Madriaga nang matanong kung bakit siya umiiyak.

Ayon naman sa naging reaksyon at pahayag ni Guanzon sa inupload niyang video sa kaniyang Facebook page noon ding Martes, kinuwestiyon niya ang naging bugso ng damdamin ni Madriaga at pinatutsada niya pang hawak naman daw nito ang “script.” 

National

Libreng sakay para sa solo parents, aarangkada hanggang Abril 18

“Madriaga, ano bang iniiyak-iyak mo diyan, e, hawak mo naman ang script,” pagsisimula niya. 

Tila nagawa ring gayahin ni Guanzon ang liriko ng kantang “Hawak Mo Ang Beat” ng French na si Sylvain Hernandez o mas kilala bilang “DJ Mogo.”

“Hawak ko ang script. Hawak ko ang script,” buwelta niya. 

Dagdag pa niya, “Ano naman ang ikinalulungkot mo? Talagang ano, may award ka rin siguro. May maleta ka rin.” 

Ani Guanzon, hindi naman daw napatunayan ni Madriaga sa Komite na napagkatiwalaan siya ng milyon-milyong salapi, base sa binasa niyang affidavit, mula sa mga Duterte dahil hindi raw naipakita ng huli na empleyado talaga siya noon nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at VP Sara.

“Alam mong itong si Madriaga, sinasabi niyang pinagkatiwalaan siya ng milyon-milyon, daan-daang milyong pera pero hindi niya maipakita kung empleyado ba talaga siya dati ni PRRD o empleyado siya ni VP Sara o kamag-anak ba siya o driver ba siya,” aniya. 

Diin pa niya, “Talagang he has no direct access or connection that he can claim as the basis for the trust and confidence na ibinigay sa kaniya na daan-daang milyong pera.” 

Pagpapatuloy ni Guanzon, tila raw mababatukan niya si Madriaga kung hindi siya matutuwa sa mga sinasabi nito.

“Kung hindi ka matatawa dito kay Madriaga, mababatukan mo to, e,” pagtatapos niya. 

Samantala, nakatakda namang muling magsagawa ng pagdinig ang House Committee on Justice kaugnay sa impeachment complaints na kinakaharap ni VP Sara sa darating na Abril 22, 2026. 

KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, kinontra si Madriaga; nakatapos ng law school sa sariling sikap

KAUGNAY NA BALITA: ‘I felt betrayed!’ Ramil Madriaga, naramdamang trinaydor ni VP Sara