May 21, 2026

Home BALITA Probinsya

Pagtatayo ng 'foreign military facilities,’ 'di welcome sa Davao City

Pagtatayo ng 'foreign military facilities,’ 'di welcome sa Davao City
Photo courtesy: Freepik

Tutol ang pamahalaang lokal ng Davao City sa anumang planong magtayo ng foreign military facilities sa loob ng kanilang nasasakupan.

Sa isang opisyal na pahayag na may petsang Abril 14, 2026, iginiit ng lokal na pamahalaan ang kanilang paninindigan laban sa naturang plano.

“The City Government of Davao does not welcome and will oppose any plan to build foreign military facilities within the jurisdiction of Davao City,” anila sa kanilang opisyal na Facebook page.

Dagdag pa nito, hindi rin susuportahan ng lungsod ang proyekto kung wala itong direktang benepisyo sa mamamayan.

“If such a plan does not help cushion the impact of the ongoing conflict in the Middle East, such as reducing the price of oil and commodities and alleviating the living conditions of the people, then we will not support it.”

Probinsya

Lalaking tinakbuhan mga nanggugulpi sa kaniya, patay matapos bumangga sa poste!

Lumabas ang pahayag kasunod ng kumpirmasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na may plano ang Estados Unidos na magtayo ng fuel depot sa southern Philippines pagsapit ng 2028.

Ayon kay Philippine Navy West Philippine Sea spokesperson Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, bahagi ang proyekto ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at Visiting Forces Agreement (VFA).

Sinabi ni Trinidad na layunin ng inisyatiba na palakasin ang kakayahan ng AFP sa pagtugon sa mga kalamidad at pagpapahusay ng seguridad sa bansa.

Nilinaw naman ng AFP na mananatili sa kontrol ng Pilipinas ang mga pasilidad, at nakatuon ang partnership sa parehong military at humanitarian functions.

Pinaliit din ni Trinidad ang pangamba na maaaring maging target ang bansa dahil sa presensya ng ganitong mga pasilidad.

Batay sa ulat ng US media, nagbukas na umano ng solicitation bid ang US Defense Logistics Agency para sa mga contractor kaugnay ng fuel storage facility project sa Mindanao, partikular sa Davao region malapit sa Davao City.

Sa kabila nito, nanindigan ang pamahalaang lungsod ng Davao na patuloy nitong tututulan ang anumang pagtatayo ng dayuhang pasilidad militar sa kanilang hurisdiksyon, lalo na kung hindi ito makakatulong sa pagpapababa ng presyo ng langis at iba pang pangunahing bilihin.