May 15, 2026

Home BALITA

Kauna-unahang abogadong Mangyan, pumanaw na!

Kauna-unahang abogadong Mangyan, pumanaw na!
Photo courtesy: Contributeed photo

Pumanaw na si Renato Zosimo Zosing B. Evangelista na kinikilalang kauna-unahang Mangyan lawyer at tagapagtanggol ng karapatan ng mga katutubo, sa edad na 52 taong gulang.

Ayon sa kaniyang anak na si Angelique, namatay si Evangelista noong Martes, Abril 14, 2026, matapos maospital sa National Kidney and Transplant Institute. Siya ay na-confine dahil sa stroke, ngunit tinukoy na ang agarang sanhi ng kaniyang pagkamatay ay sudden cardiac death.

Isang miyembro ng Hanunuo Mangyan community, naging simbolo si Evangelista ng pag-asa para sa mga katutubo na matagal nang nasa laylayan ng lipunan matapos niyang pasukin ang propesyon ng abogasya.

Sa buong kaniyang karera, inilaan niya ang kaniyang serbisyo sa pagsusulong ng karapatan at kapakanan ng mga Mangyan, lalo na sa usapin ng ancestral domain at pagmamay-ari ng lupa.

Nagsimula si Evangelista sa Roco, Kapunan, Migallos, Perez and Luna Law Offices, bago bumalik sa Oriental Mindoro noong 2004 upang magsilbi bilang provincial legal officer.

Misis ng nahuling NBI volunteer, nanindigang walang kasalanan ang asawa

Sa parehong taon, napili siya sa prestihiyosong British Chevening Scholarship Program at kumuha ng Master of Laws sa University of Essex sa United Kingdom mula 2004 hanggang 2005, kung saan kabilang siya sa maliit na porsyento ng mga tinanggap.

Pagbalik sa bansa, nagtayo siya ng sariling law practice at naging managing partner ng Crisologo, Evangelista and Associates Law Office. Karamihan sa kaniyang hinawakang kaso ay may kinalaman sa lupa at nagsilbi rin siyang legal adviser sa iba’t ibang usaping kinakaharap ng mga Mangyan, kabilang ang isang mahalagang kaso ng ancestral land sa Paitan, Naujan, Oriental Mindoro.

Bukod sa kaniyang legal na gawain, naging aktibo rin siya sa pagsusulong ng kultura bilang pangulo ng Mangyan Heritage Center, kung saan itinampok niya ang kulturang katutubo sa pandaigdigang entablado, kabilang ang paglahok sa isang book fair sa Frankfurt, Germany noong nakaraang taon.

Kinilala rin siya bilang isa sa mga natatanging indibidwal sa Oriental Mindoro sa “Gabi ng Pagpupugay” dahil sa kaniyang kontribusyon sa lipunan.

Gaganapin ang burol at cremation sa Loyola Commonwealth Chapels & Cremation Services, kung saan magsisimula ang viewing sa Huwebes ng 8:00 ng gabi sa Mercy B Chapel. Isasagawa ang cremation sa Linggo at ilalagak ang kanyang abo sa columbarium ng Our Lady of Consolation Parish.