May 22, 2026

Home FEATURES Human-Interest

Puwede kumuha! Ride-hailing driver, may libreng mga kutkutin at gamot sa pasahero

Puwede kumuha! Ride-hailing driver, may libreng mga kutkutin at gamot sa pasahero
Photo courtesy: Francesca Vilar (Threads)

Hinangaan ng isang pasahero ang serbisyo ng isang ride-hailing app driver nang makita niya ang mga libreng kutkutin at gamot sa sasakyan nito sa kabila ng kinahaharap na krisis ng buong bansa. 

Mababasa sa Threads post ng pasahero at netizen na si Francesca Vilar noong Sabado, Abril 13, na pagkatapos ng mahaba niyang araw, nag-book siya ng sakay pauwi sa isang ride-hailing app. 

Nang makapasok daw siya sa sasakyan, napansin na niya agad ang mga nakasabit na mga kutkutin at gamot, ngunit dahil malabo raw ang mga mata niya, hindi niya agad nabasa ang karatulang nakasabit sa passenger seat na nagsasabing, “ALL FREE MEDICINE AND SOME ESSENTIALS,” kaya inakala niyang ibinebenta ito ng driver na si John Michael Christopher Melo. 

Nang itinanong ni Vilar kay Melo kung ibinebenta ba niya ang mga kutkutin at mga gamot, laking gulat ni Vilar na libre daw lahat ng iyon, para sa mga pasahero.  

“I was having a really bad day, so nag-book na lang ako ng Grab para makauwi. Pagpasok ko sa car, napansin ko ang daming food and medicines. At first, hindi ko nabasa na free pala sila (poor eyesight problems), so tinanong ko si kuya driver, kung binebenta ba niya. He told me they were all free. Nagtaka ako, so I asked him bakit niya pinamimigay for free, eh sa panahon ngayon ang hirap ng buhay,” kuwento ni Vilar sa kaniyang post. 

Human-Interest

‘Okay ka lang?’ Mga paraan upang ‘mangumusta’ sa kaibigan o katrabaho

Ikinuwento ni Melo na minsan na siyang nakatanggap ng tulong mula sa isang estranghero noon, at sa mga panahong walang-wala siya, ang pagtulong na ito ay hindi niya malilimutan.

Kaya naman, nais ibalik at ibahagi ni Melo ang mga biyaya niyang natanggap, sa pamamagitan ng pamimigay ng libreng snacks at gamot. 

“Then he shared na may tumulong sa kanya before nung time na walang wala siya, and it was something na hindi niya makakalimutan. Now, he just wants to give back and share the blessings he received,” saad ni Vilar. 

Dahil dito, ibinahagi rin ni Vilar na kahit na hindi naging maayos ang araw niya bago siya mag-book ng sakay noong Sabado, malaki ang naging appreciation niya kay Melo. 

Aniya pa, nakagaan din sa loob niya na malamang sa kasalukuyang panahon, mayroon pa ring mga taong tunay na mabuti. 

“For someone like me na sobrang bad day, sobrang na-appreciate ko talaga lalo it’s comforting to know na there are still people like him who are genuinely kind. As in, na-lift ni Kuya yung mood ko,” ani Vilar. 

Napagtanto rin daw ni Vilar na sa kakaunting akto ng kabutihan mula sa ibang tao, maaari pa rin nitong mabago ang pananaw sa buong araw. 

Kaya nagpapasalamat si Vilar kay Melo at hiling niya na mas dumami pa ang mga biyaya niyang matatanggap. 

“Minsan talaga, one small act of kindness from a stranger can change your whole day. Thank you so much, kuya. I hope mas dumami pa ang blessings na matanggap niyo,” kahilingan ni Vilar. 

“Sometimes, the ones with the least give the most. May God bless all the people like them who continue to do good and share their blessings. ,” dagdag niya pa. 

Sa dulo ng kaniyang post, ibinahagi pa ni Vilar na bukod sa mga kutkutin at gamot, mayroon din daw in-car monitor ang sasakyan ni Melo upang makapanood ng pelikula ang mga pasahero o kaya’y makapag videoke, at free WiFi para sa dagdag-kaginhawaan pa ng mga ito.