May 22, 2026

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Mga kadalasang dahilan ng aksidente sa daan at tips para sa kaligtasan sa pagbiyahe

ALAMIN: Mga kadalasang dahilan ng aksidente sa daan at tips para sa kaligtasan sa pagbiyahe
Photo courtesy: Unsplash

“Wag maging kamote!” 

Isa ito sa mga panawagan ng mga awtoridad sa bansa sa mga motorista na araw-araw ang pagbiyahe at pakikipagsapalaran sa kalye. 

Noon lamang Linggo, Abril 5, iniulat ng Philippine National Police - Highway Patrol Group (PNP-HPG) na tinatayang 1,300 ang tala ng mga aksidente sa daan sa kasagsagan ng Semana Santa. 

Bagama’t mas mababa ito kumpara sa nagdaang taon, ang nangungunang dulot ng mga road accidents sa bansa ay ang overspeeding sa mga highway. 

Kaya alinsunod sa road safety guidelines ng Land Transportation Office (LTO), narito ang ilang tips upang matiyak ang kaligtasan sa daan: 

Human-Interest

‘Okay ka lang?’ Mga paraan upang ‘mangumusta’ sa kaibigan o katrabaho

Maging magalang 

Ang courtesy o pagiging magalang sa daan ay ang maayos na pagpapahayag ng right of way sa daan. 

Ipinapahayag ito hindi lamang upang maiwasan ang dagdag abala sa pagmamaneho ngunit upang masiguradong ligtas na makararating sa kaniya-kaniyang paroroonan ang mga kapwa drayber, pedestrian, pasahero, at traffic enforcers. 

Iwasang mapangunahan ng emosyon 

Parte ng pagiging responsableng motorista ay ang pagkakaroon ng disiplinang kontrolin ang emosyon at reaksyon sa isang partikular na sitwasyon. 

Dito pumapasok ang pagkalma sa sarili sa kasagsagan ng stress na nararamdaman, personal man ito, sa mga relasyon, o maging sa road rage ng ibang motorista sa kalsada. 

Iwasang gumanti sa daan

Karugtong ng disiplina sa pagmamaneho ay ang pag-iwas sa pagganti kung sakaling makaharap ng galit na kapwa motorista o kaya’y pedestrian dahil ang away sa daan ay hindi contest na dapat ipanalo. 

Kaya mahalagang matutong dumistansya sa galit na motorista o pedestrian at iwasang magkaroon ng eye contact upang hindi lalong mapukaw ang mataas nitong emosyon. 

Iwasang mag-drive kung lasing

Alinsunod sa Republic Act No. 10586 o ang “Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013,” ang pagmamaneho habang lasing o nasa impluwensiya ng droga ay itinuturing na krimen dahil sa panganib na badya nito sa drayber, pasahero, at pedestrian. 

Saad ng LTO, para sa non-professional driver’s license (NPDL) holders na mahuhuli, maaaring masuspinde ang lisensya nito ng hanggang 12 na buwan. 

Habang ang professional driver’s license (PDL) holders naman ay maaaring makansela ang kanilang lisensya sa unang offense pa lamang. 

Sumunod sa batas trapiko 

Panghuli, ang pagsunod sa lahat ng batas trapiko ay nagpapakita ng paggalang hindi lamang sa batas kung hindi maging sa buhay ng mga tao sa paligid. 

Dahil ang batas ay ginawa upang magkaroon ng kaayusan, ang pagkakaroon ng integridad at disiplinang sundin ito ay isa sa mga paraan upang maiwasan ang abala, parusa mula sa mga awtoridad, at aksidente.