May 21, 2026

Home BALITA Metro

Higit 61k kaso, naitala sa 'Safer Cities Initiative' sa loob ng 6 araw

Higit 61k kaso, naitala sa 'Safer Cities Initiative' sa loob ng 6 araw
Photo courtesy: Northern Police District - Public Information Office/FB


Iniulat ng Philippine National Police (PNP) na aabot sa humigit-kumulang 61,549 kaso ang naitala ng kanilang ahensya sa ikinasang “Safer Cities Initiative” ng Department of Interior and Local Government (DILG) mula Abril 6 hanggang Abril 11.

Ayon sa PNP nitong Linggo, Abril 12, naitala ang mga kaso sa tulong ng lokal na pamahalaan at mga opisyal ng barangay sa buong Metro Manila.

Batay sa ulat, naitala ang 18,904 insidente ng pag-iinom at paninigarilyo sa pampublikong lugar; 5,894 sa paglalakad sa kalye nang walang pang-itaas; 5,232 sa curfew para sa mga menor de edad; at 1,276 para sa mga nagka-karaoke at videoke sa lampas na oras.

Samantala, 30,243 kaso naman ang naitala sa iba pang mga violation sa iba’t ibang ordinansa.

Base pa sa inilatag na impormasyon ng PNP sa publiko, 39,205 ang nabigyan ng babala o pinalaya; 21,317 ang namultahan; at 1,027 naman ang nasampahan ng kaso sa korte.

Ayon sa isang pahayag ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr., ang resultang naitala ay tanda raw ng kahalagahan ng police visibility at koordinasyon ng bawat isa.

Metro

53-anyos na babae, namatay sa gitna ng AICS payout



“Malinaw na kapag tuloy-tuloy ang presensya ng pulis at maayos ang koordinasyon sa LGU at barangay, mas nagiging maayos ang sitwasyon sa komunidad,” saad ni Nartatez.

Aniya, “Ang gusto natin, habang tumatagal, mas bumababa ang bilang dahil mas sumusunod na ang mga tao.”

Pagtitiyak ng PNP, magpapatuloy daw sa mga susunod pang araw ang nabanggit na operasyon.