May 22, 2026

Home BALITA

Mga single, mas malaki tiyansang tamaan ng cancer kaysa sa mga may asawa na!

Mga single, mas malaki tiyansang tamaan ng cancer kaysa sa mga may asawa na!
Photo courtesy: Unsplash

Natuklasan sa isang bagong pag-aaral na may kaugnayan ang pag-aasawa sa mas mababang panganib ng pagkakaroon ng cancer.

Batay sa pag-aaral na inilathala noong Abril 8, 2026,  sa Cancer Research Communications, mas maganda ang kalagayan ng kalusugan ng mga taong nakapag-asawa—kabilang ang mga nabiyudo o mga hiniwalayan na ng asawa—kumpara sa mga nanatiling single.

Sinuri sa pag-aaral ang datos mula sa mga adult na edad 30-anyos pataas mula sa 12 estado sa United States. Lumabas na ang mga babaeng hindi kailanman nag-asawa ay may 83% na mas mataas na posibilidad na magkaroon ng cancer kumpara sa mga kasal o mga minsan nang naikasal.

Para naman sa mga lalaking single, 68% na mas mataas ang panganib kumpara sa kanilang mga may asawa.

Ayon sa mga mananaliksik, mahalagang salik ang marital status sa kalusugan ng isang tao.

Sey ng NBI: 'Fugitive Senator Dela Rosa will be arrested whether he likes it or not'

"Marital status may be a powerful and underrecognized social determinant of cancer risk," ayon sa mga eksperto.

Dagdag pa nila, "We found that never-married adults, both women and men, experienced substantially higher cancer incidence across nearly all major cancer sites, racial/ethnic groups, and age groups compared with ever-married individuals."

Ipinakita rin sa pag-aaral na mas mataas ang panganib ng HPV-related cancers sa mga hindi nag-asawa, kabilang ang anal cancer sa mga lalaki at cervical cancer sa mga babae. Mas karaniwan din sa kanila ang lung at esophageal cancers, pati na ang iba pang cancer na may kaugnayan sa paninigarilyo.

Sa hanay ng kababaihan, mas mataas din ang insidente ng endometrial at ovarian cancers sa mga nanatiling single.

Bukod sa marital status, natukoy rin ang ugnayan ng lahi at etnisidad sa paglaganap ng cancer. Halimbawa, mas maliit ang diperensya sa liver cancer incidence sa pagitan ng mga may asawa at wala sa mga Asian/Pacific Islander, na iniuugnay sa mas maagang pagkakaroon ng hepatitis B sa naturang grupo.

Napag-alaman din na mas maliit ang diperensya sa mga cancer tulad ng breast, prostate, at thyroid, na sinasabing mas naaapektuhan ng biological factors kaysa social factors.

Ayon kay Paulo S. Pinheiro, lead author ng pag-aaral, mas tumitindi ang epekto ng marital status sa cancer risk habang tumatanda ang isang tao, na nagpapahiwatig na naiipon ang benepisyo ng pag-aasawa sa paglipas ng panahon.

Ipinaliwanag din ng mga mananaliksik na may mga benepisyo ang mga may asawa tulad ng mas madaling access sa healthcare at pagkakaroon ng matatag na support system.

Dagdag pa ni Pinheiro, "If you're unmarried and more isolated, you're less likely to... engage in screening or prevention."

Gayunman, aminado ang mga may-akda na may limitasyon ang pag-aaral dahil hindi nito nasuri ang kalidad ng relasyon, uri ng pagsasama, o iba pang social factors na maaaring makaapekto sa resulta.

Sa kabila nito, binigyang-diin ng pag-aaral na habang unti-unting bumababa ang bilang ng mga nag-aasawa sa kasalukuyan, maaaring mas maging vulnerable ang mga hindi nag-aasawa pagdating sa cancer prevention at maagang pagtuklas ng sakit.