Dalawang Filipino photojournalists ang napabilang sa mga nanalo sa prestihiyosong 2026 World Press Photo Contest.
Ayon sa local at international media, ang nasabing dalawang photojournalists na kabilang sa 42 winners ay kinilalang sina Aaron Favila ng The Associated Press at Jes Aznar ng The New York Times.
Ang mga nanalo ay pinili ng isang global independent jury mula sa 57, 376 mga litrato na isinumite ng 3,747 photographers mula sa 141 na bansa.
Aaron Favila
Ipinakita sa mga isinumiteng obra ni Favila na pinamagatang “Wedding in the Flood” ay ang mga kuha niya sa kasal ng mag-asawang sina Jade Rick Verdillo at Jamaica Aguilar noong kasagsagan ng bagyong Crising sa Pilipinas sa Barasoain Church sa Malolos, Bulacan noong Hulyo 2025.
Kung saan, sa kabila ng hanggang tuhod na baha, ay isinuong ng bagong mag-asawa at kanilang guests upang itawid ang selebrasyon ng pag-iisang dibdib.
MAKI-BALITA: Kasal sa Bulacan, tuloy kahit binaha loob ng simbahan!
Ayon sa jury, ang istorya sa likod ng mga litrato ni Favila ay nagbigay ng panibagong lente sa climate change at masisidhing bagyo na nakaaapekto sa bansa.
Gayundin ang pagkuha kuwento sa katatagan ng mga lokal na komunidad sa kabila ng kalamidad.
“This story offers a fresh perspective on climate change and intensifying tropical storms affecting the region, capturing the scale of the disaster while centering the resilience of local communities,” saad sa komento ng jury.
Jes Aznar
Ang mga isinumiteng litrato naman ni Aznar na pinamagatang “Scam Hub Under Siege” na nanalo sa Asia-Pacific at Oceania region, ay nakatuon sa mga pasalidad sa Myanmar na pinaniniwalaang pinaglalagian ng “scammers” na umano’y biktima ng human trafficking.
Ayon sa komento ng jury, sa mga kuhang ito, ipinakita ang kompleksidad ng mga krimen at pagsasamantala na nagaganap sa loob ng mga pasilidad.
“This story provides a rare, inside look at facilities in Myanmar where “scammers” are, in fact, victims of human trafficking. Through strong, accessible images, the photographer reveals the unimaginable scale and complexity of these crimes, highlighting how seemingly ordinary offices are places where people are effectively enslaved,” komento ng jury.
“The work offers regional insight; transforming an abstract news report into a vivid visual account of exploitation,” dagdag pa rito.
Ayon sa World Press Photo, ang nanalong entries ay nagsilbing salamin sa reyalidad na kinahaharap ng bawat bansa sa iba’t-ibang parte ng mundo at ang katatagan ng mga tao sa kabila nito.
“Offering a powerful reflection of our world, the 2026 World Press Photo Contest winners illuminate the realities we face globally; marked by fracture, urgency and yet an innate resilience,” saad ng World Press Photo sa kanilang website.
Ilan sa mga ipinakitang reyalidad dito ay ang nagpapatuloy na krisis sa klima, mga tunggalian ng mga tao at epekto nito habang pinagtutuonang pansin ang istorya ng pagbangon at pagpupursige.
“They reveal the global overreach of power, the escalating climate crisis, and the human cost of conflict, while also bringing into focus stories of resistance, rebuilding, recovery, and the quiet, enduring dignity of those who persevere,” dagdag pa rito.