Nagdeklara ng “combat breakthrough” ang Philippine Army command sa Bukidnon bilang bahagi ng pinaigting na operasyon laban sa New People's Army (NPA) sa hangganan ng nabanggit na lalawigan at Agusan del Sur.
Ito ay matapos mapasok ng isang special team ang dating kampo ng mga gerilya sa liblib na bahagi ng Sitio Bendum, Barangay Busdi sa Malaybalay City, kung saan nadiskubre ang isang cache ng mga armas.
Kabilang sa mga nakuhang armas ang dalawang 7.62mm CZ 858 tactical rifles, isang 7.62mm M14 rifle, isang 5.56mm M4 rifle, at isang barrel ng M16A1 rifle.
Isinagawa ang operasyon ng isang all-women unit mula sa First Special Forces Battalion. Ang grupo, na tinaguriang Special Forces Team 16 “Maya,” ay pinamumunuan nina Cristy Timtim, kasama sina Divine Grace Rodriguez at Leslie Calunsag, at sinusuportahan ng apat na enlisted personnel at isang CAFGU member.
Ayon kay Lt. Col. Emil Bautista, ang lugar ay bahagi ng mahirap pasuking Pantaron Mountain Range at itinuturing na mahalagang kuta ng North Central Mindanao Regional Committee (NCMRC) ng NPA.
“This area is considered a major stronghold and sanctuary of the North Central Mindanao Regional Committee (NCMRC) of the NPA, strategically located along the hinterland boundary of Bukidnon and Agusan del Sur,” ani Bautista.
Samantala, kinilala rin ang mahalagang papel ng Team Maya sa mga naunang operasyon, kabilang ang pagtulong sa search and recovery mission para sa bumagsak na fighter jet ng Philippine Air Force sa Mt. Kalatungan noong nakaraang taon.
Sa kasalukuyan, nagsisilbi na itong pangunahing support unit sa mga combat operation ng batalyon laban sa nalalabing puwersa ng NPA sa Mindanao.