Patay na nang natagpuan ang katawan ng isang lalaking sinubukan lang umanong sawayin ang ingay ng tatlong kalalakihan sa Leganes, Iloilo.
Ayon sa mga ulat, ilang araw na umanong pagala-gala ang biktima sa naturang lugar matapos siyang mag-resign sa kaniyang pinagtatrabahuhan mula sa ibang bayan.
Batay sa paunang imbestigasyon, sinaway ng biktima ang tatlong suspek dahil umano sa ingay. Giit umano ng biktima, matutulog na raw siya, malapit sa pinagtatambayan ng mga suspek.
Subalit, ilang oras matapos ang kaniyang pananaway, patay na ng muling matagpuan ang kaniyang katawan.
Ayon sa mga awtoridad, may isang saksi umano ang lumutang aty sinabing narinig niya ang usapan ng mga suspek na pagtripan daw ang biktima.
Sinuportahan din ng isang CCTV footage ang salaysay ng witness kung saan nakuhanan ang tila komosyon kung saan natagpuan ang bangkay ng biktima.
Sa ikinasang operasyon ng pulisya, nasakote nila ang isang 19 taong gulang na suspek na umano’y nag-engganyo sa dalawa pang suspek na napag-alamang mga menor de edad na kaniyang inudyukan na pagtripan ang biktima.
Samantala, patuloy ang paghahanap ng mga awtoridad sa dalawa pang menor de edad na suspek habang nakatakda namang makasuhan ng kasong murder 19-anyos na naunang natimbog ng pulisya.