Ipinahayag ni Vice President Sara Duterte na dapat daw magsabi na ng totoo sina Leyte 1st District Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez at dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co kung sino talaga ang nasa likod ng umano’y malawakang korapsyon sa Pilipinas.
Sa kabila ito ng inilabas na complaint affidavit ng Office of the Ombudsman noong Abril 20, 2026, at lumabas sa mga ulat noong Miyerkules, Mayo 6, na sina Romualdez at Co raw ang mastermind sa mga korapsyon sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at national budget.
Base umano sa complaint affidavit ng Ombudsman, aabot sa ₱56 bilyon ang nalikom na ill-gotten wealth nina Romualdez at Co mula noong 2022 hanggang 2025.
Ngunit matatandaang unang nagsalita si Co noong Nobyembre 14, 2025, at tahasan niyang sinabing nag-utos diumano noon sa kanila si Pangulong Bongbong Marcos, Jr. na mag-insert ng ₱100 bilyon sa 2025 national budget.
KAUGNAY NA BALITA: Zaldy Co, nanlaglag na? PBBM, nag-utos umano na mag-insert ng ₱100B sa 2025 budget
Bukod dito, matatandaan ding mariing pinabulaanan ni Romualdez noong Abril 21, 2026, ang umano’y pagiging “mastermind” niya sa korapsyon noong namumuno pa siya sa Kamara.
Ani Romualdez, imposible raw na maging “mastermind” siya ng korapsyon sa bansa kung isa lamang daw sa mga sangay ng gobyerno ang Kamara.
Paglilinaw niya, nagsisimula raw sa mga ehekutibo ng pamahalaan ang pagsusulong ng kaban ng bayan at hindi sa Kamara.
KAUGNAY NA BALITA: 'How can I be the mastermind?' Romualdez, pinabulaanang ulo siya ng korapsyon!
Ayon naman sa inilabas na video ng Duterte supporter na si Alvin Sarzate sa kaniyang YouTube channel sa naging panayam nila kay VP Sara noong Huwebes (araw sa The Hague, Netherlands), Mayo 7, 2026, sinabi ng huli tila taliwas naman daw sa complaint affidavit ng Ombudsman ang sinasabi nina Romualdez at Co.
“Iba naman ang sinasabi ni Martin Romualdez at ni Zaldy Co,” pagsisimula ng Bise.
Buwelta ni VP Sara, dapat daw na sabihin na nina Romualdez at Co ang katotohanan hindi lang para sa kanilang sarili kundi pati na rin sa taumbayan.
“Kung totoo talaga na interesado si Zaldy Co at si Martin Romualdez sa hustisya, hindi lang para sa kanilang sarili, kundi para rin sa taumbayan at Pilipinas,” diin niya.
“Dapat sabihin nila kung ano ‘yong totoo,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, reaksyon, o tugon si Romualdez at Co kaugnay sa nasaad ni VP Sara.
KAUGNAY NA BALITA: FPRRD, humiling ipagdasal ng DDS si PBBM!
KAUGNAY NA BALITA: Usec. Claire Castro may ugaling papansin, nagdadala ng kahihiyan—VP Sara