Hiniling ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa lahat daw ng patuloy pa rin na sumusuporta sa kaniya na Diehard Duterte Supporters (DDS) na ipagdasal ng mga ito ang Pilipinas at pati na rin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Ayon sa inupload na video ng Duterte supporter na si Alvin Sarzate sa kaniyang YouTube Channel sa naging panayam nila kay Vice President Sara Duterte noong Huwebes (araw sa The Hague, Netherlands), Mayo 7, 2026, ibinahagi ng huli ang mensahe ni FPRRD para sa mga tagasuporta nilang patuloy pa rin na sumusulong sa ilalim ng init sa labas ng detention center ng International Criminal Court (ICC) at sa buong mundo.
“He’s okay… Sabi niya, ‘yong nandon siya sa loob, ‘yon daw ay sakripisyo na raw,” pagsisimula ng Bise.
Ani VP Sara, sinabi raw ni FPRRD na hindi na raw kailangang magsakripisyo pa ng mga tagasuporta nila at magdasal na lang daw ang mga ito para sa Pilipinas at para kay PBBM.
“Hindi n’yo daw kailangan na magsakripisyo dito sa labas sa Duterte street. Ang gawin n’yo raw ay magdasal para sa bayan at para kay Bongbong Marcos,” aniya.
Pagkukuwento pa ni VP Sara, inusisa raw siya ni FPRRD kung nagpapainit pa rin daw ang mga Duterte supporter sa labas ng detention center ng ICC at ipinaliwanag niya sa kaniyang ama na gusto naman daw ng mga Duterte supporter sa The Hague, Netherlands ang mabilad sa init ng araw.
“Tinanong niya ako kanina, sabi niya kung nandito pa rin ba raw kayo, sabi ko, oo. Sabi niya, ‘Nasa ilalim sila ng init?’ Sabi ko, ‘Oo.’ Sabi niya, ‘Sabihin mo sa kanila, huwag silang magpainit.’ At sinabi ko na gusto n’yo ‘yong init,” paglilinaw niya.
“Unlike sa Pilipinas na nagtatago tayo kapag nandyan na ‘yong init. Apparently, kayong mga taga Europa, gusto n’yo ‘yong nasa ilalim kayo ng init,” pagtatapos pa ng Bise.
Samantala, wala namang binanggit na dahilan si VP Sara kung bakit umano sinabi FPRRD ipagdasal ng mga Duterte supporter ang kasalukuyang Pangulo ng Pilipinas.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, planong gayahin transport system ng Netherlands!
KAUGNAY NA BALITA: Usec. Claire Castro may ugaling papansin, nagdadala ng kahihiyan—VP Sara