Tila plano ni Vice President Sara Duterte na gayahin ang sistema ng transportasyon ng bansang Netherlands at ipatupad ito sa Pilipinas kapag nanalo siya bilang Pangulo sa susunod na eleksyon.
Ayon sa inupload na video ng Duterte supporter na si Alvin Sarzate sa kaniyang YouTube channel sa naging panayam nila kay VP Sara noong Huwebes (araw sa The Hague, Netherlands), Mayo 7, 2026, nagawang tanungin ng mga DDS ang Bise kung ano raw ang nakikita nitong bagay sa Netherlands na maaari niyang ipatupad sa Pilipinas kapag nanalo siya bilang Pangulo sa 2028.
“When you become a President, ano po ‘yong inspiration n’yo dito sa Netherlands na puwede nating i-adopt sa Philippines when you are the President,” urirat kay VP Sara.
Sagot naman niya, nasa Diyos na raw ang kapalaran kung magiging Pangulo talaga siya o hindi.
“Well, kung ibibigay ng Diyos ‘yan, ibibigay naman niya ‘yan. Kapag hindi hindi ‘yan para sa iyo, hindi ‘yan mangyayari,” pagsisimula niya.
Ani VP Sara, transport system daw ang magandang bagay na nakikita niya sa Netherlands dahil marami raw pagpipilian na uri ng transportasyon ang mamamayan kapag babiyahe ang mga ito.
“Pero kung ano ‘yong maganda dito na nakita ko is ‘yong transport system. ‘Yong mobility ng mga tao,” aniya.
Dagdag pa niya, “Sobrang daming options ng mga tao. Puwede kang maglakad, puwede kang mag-bike, puwede kang mag-Uber, puwede kang mag-taxi, puwede kang mag-tram, mag-bus, meron kang train.”
Pagpapatuloy pa ng Bise, malaking tulong daw sa komersyo ang pagkakaroon ng magandang transport system para sa mamamayan at mga pangunahing produktong kailangan nila.
“So alam mo ‘yon, hindi nahihirapan. There is no difficulty in the movement of goods and people which is very important sa commerce,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang kasalukuyang nasa detention center ng International Criminal Court (ICC) ang ama ni VP Sara na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, dahilan para madalas na bumalik ang Bise sa The Hague, Netherlands.
KAUGNAY NA BALITA: Usec. Claire Castro may ugaling papansin, nagdadala ng kahihiyan—VP Sara
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, ‘di gumagamit ng laptop dahil hindi marunong sa computer?