Iniulat ng Philippine National Police (PNP) na sa 14,519 gasoline stations sa bansa, 387 dito ay nakatigil-operasyon dahil umano sa “non-delivery” ng mga produktong petrolyo.
Base sa inilatag na impormasyon ng PNP nitong Huwebes, Abril 9, naitala raw nila ang numerong ito sa pakikipagtulungan nila sa Department of Energy (DOE), sa pagbabantay ng fuel supply situation simula pa noong Marso 1, 2026 hanggang ngayong Abril 9, 6:00 ng umaga.
Ayon pa sa ahensya, nakapagtala sila ng 17 kaso ng hoarding, profiteering, oil pilferage, estafa, theft, at violations ng PD 1865—kung saan 42 indibidwal ang kanilang naaresto.
“Kasama ang DOE, tuloy-tuloy ang ating monitoring sa fuel situation at ang pagsasampa ng kaso laban sa mga lumalabag sa batas. We remain committed to protecting the public at tiyakin ang patas na kalakalan,” saad ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr. sa isang pahayag.
“We encourage everyone to remain vigilant at agad i-report ang anumang kahina-hinalang aktibidad,” dagdag pa niya.
Matatandaang kamakailan, umabot pa sa 425 gasoline stations ang napilitang magtigil-operasyon dahil sa kakulangan ng suplay, bunsod ng pagtaas ng presyo nito sa pandaigdigang merkado.
MAKI-BALITA: Gasoline stations na tigil-operasyon, umabot na sa 425!-Balita