Nanawagan si Sen. JV Ejercito sa mga ahensya ng pamahalaan na gawing makatotohanan ang mga inilalatag na ulat kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. kaugnay sa epektong dulot sa Pilipinas ng sigalot sa Gitnang Silangan.
Sa pahayag na inilabas ni Sen. JV nitong Martes, Abril 7, iginiit niya ang importansya ng katotohanan sa gitna ng kinakaharap na krisis ng bansa.
“[There should be] no sugar coating of reports to PBBM. Hindi PR ang kailangan sa gitna ng krisis kundi katotohanan,” anang senador.
Dagdag pa niya, “Sa ganitong krisis, hindi puwedeng minamaliit o pinapaganda ang ulat. Kailangan malaman ng Pangulo ang buong katotohanan dahil bawat maling impormasyon, maling desisyon ang kapalit.”
Katwiran ng senador, makakahadlang umano ang mga sobrang positibong ulat sa agarang aksyon ng pamahalaan sa problema na sa huli ay taumbayan ang higit na maapektuhan.
Kaya naman mahalagang makapagbigay ang mga ahensya ng mga ulat na nakalapat sa katotohanan.
“Ang tunay na may malasakit sasabihin ang totoo, kahit hindi man ito maganda sa pandinig,” saad ni Sen. JV.
Samantala, wala naman umano siyang sinisi bagkus ay nagbibigay lang siya ng konstruktibong puna dahil ang unang hakbang sa paglutas ng problema ay aminin ang pag-iral nito.