May 22, 2026

Home BALITA

Libreng sakay ng iba't ibang ahensya ng pamahalaan, nagpapatuloy

Libreng sakay ng iba't ibang ahensya ng pamahalaan, nagpapatuloy
Photo courtesy: DOTr


Inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) nitong Martes, Abril 7, na patuloy ang pag-arangkada ng libreng sakay na handog ng iba’t ibang departamento at opisina ng gobyerno.

Ito ay naglalayong pabilisin ang biyahe ng bawat komyuter at motorista sa gitna ng rush hour.

Ayon sa DOTr, ang libreng sakay ay mula sa Office of the President (OP), Department of Energy (DOE), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Philippine Ports Authority (PPA), at Philippine Coast Guard (PCG).

Pagbabahagi pa ng ahensya, ang inisyatibong ito ay nakabase sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

“Ito’y naaayon sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na siguruhing laging handa ang mga ahensya ng pamahalaan na magbigay ng tulong, maginhawa at hindi naaantala ang pagbiyahe ng ating mga kababayan at may sapat na sasakyan para makarating sila sa kanilang  destinasyon,” saad ng DOTr sa kanilang pahayag.

“Nagpapatuloy ang mga libreng sakay sa mga bus ngayong araw sa mga rutang Commonwealth papuntang Fairview, Monumento papuntang PITX, Fairview papuntang Quiapo, Ortigas papuntang PITX, at vice versa,” paglilinaw nila.

Nito ring Martes, Abril 7, inanunsyo naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na aarangkada na sa darating na Abril 15 ang service contracting program sa mga piling ruta sa Metro Manila, Davao City, at Cagayan de Oro City.

MAKI-BALITA: Service contracting program para sa PUVs, ikakasa sa Abril 15-Balita