“Sa ngalan ng buwan!”
Lubos na ikinatuwa ng Sailor Moon fans mula sa iba’t ibang panig ng mundo na makita ang isang Artemis stuffed toy sa control room ng National Aeronautics and Space Administration (NASA) bago ang opisyal na launching ng kanilang “Artemis II mission” patungong buwan, kamakailan.
Mapapanood sa live mission coverage ng NASA noong Miyerkules, Abril 1, na tila kasama ng iba pang astronauts at staff na nanonood ng launching ang Artemis stuffed toy habang naka-display ito sa isa sa mga lamesa sa control room, kaharap ang mga computer at monitor.
Makikita pa sa post ng ilang Sailor Moon fan pages ang screenshot ni Astronaut Stanley G. Love na may suot na Sailor Moon lanyard habang nakabantay din sa mission sa control room.
Ayon sa ilang fans online, napaghahalataan daw na “millennial” ang ilang nagtatrabaho sa NASA dahil binubuo raw ng childhood ng henerasyong ito ang Sailor Moon.
“Who do you think is at NASA now? Those kids who grew up with Sailor Moon and Gundam on Toonami? It makes total sense they would know the references. Those childhood nerds are now NASA nerds!” saad ng isang netizen.
Kakatwang ani pa ng isang fan, ang isinagawang Artemis program ay pinapanood ng tunay na Artemis.
Kaya hiling din nitong makaabot ang milestone na ito sa awtor ng Sailor Moon na si Naoko Takeuchi.
“The Artemis program, being watched over by the real Artemis. I hope this reaches [author] Ms. Naoko Takeuchi. It’s the ultimate emotional high that the ‘yearning for the moon’ she drew more than 30 years ago is now being loved at the forefront of NASA like this,” saad ng netizen.
Sa kaugnay na ulat, ang Artemis II ay ang kauna-unahang crewed flight ng Artemis program ng NASA, at unang crewed lunar flyby matapos ang 50 taon.
Ang sampung araw na programang ito ay binubuo ng apat na astronaut na layong umikot sa buwan upang mas mapalawig ang deep space exploration at magamit sa mga magiging paglalakbay sa planetang Mars sa hinaharap.
Sa kabilang banda, ang karakter ni Artemis ay unang lumabas sa “Codename: Sailor V” at sa main Sailor Moon manga kasama naman ang karakter na si Minako o Sailor Venus.