Nagbigay ng paalala si Rev. Fr. Warren Puno kaugnay sa esensya ng Linggo ng Pagkabuhay ni Hesus mula sa pagkamatay Nito sa krus.
Si Fr. Warren ay kasalukuyang lingkod-pari sa Our Lady of Peace and Good Voyage Parish sa Barangay Ponon, Atimonan, Quezon.
Sa homiliya ni Fr. Warren nitong Linggo, Abril 5, kinuwestiyon niya ang tila pagiging komportable ng maraming Pilipino sa sitwasyong kahabag-habag.
Aniya, “Damang-dama ng mga Pilipino ang Biyernes Santo; ‘yong kaawa-awang Kristo. Sapagkat ‘yon ang tingin natin sa ating sarili. Tayo ay kaawa-awa. Pero, mga minamahal na kapatid, may mabuting balita. Si Hesus ay muling nabuhay.”
“Pero bakit parang hinahayaan nating mga Pilipino na tayo ay manatili doon sa sitwasyon na tayo ay kaawa-awa at kahabag-habag. Para bagang naging komportable na tayo sa gano’ng buhay. Ayaw na nating umusad,” dugtong pa ni Fr. Warren.
Ayon sa kaniya, ang hamon umano ng Linggo ng Pagkabuhay ay baguhin ng tao ang sarili ayon sa kalooban ng Diyos.
“Bakit ayaw nating pumunta sa pagkabuhay? Dahil ang pagkabuhay ay humihingi ng pagbabago. Baguhin ang ating takbo ng pag-iisip,” anang pari.
Dagdag pa niya, “Baguhin ang takbo ng ating buhay. Hinihingi sa atin na magbalik-loob tayo sapagkat ‘yon ang hamon ng muling pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo. Panibagong buhay. Ibig sabihin, iiwan natin ‘yong ating dating buhay upang mabuhay nang naaayon sa kalooban ng Diyos.”
Matatandaang sa eksklusbiong panayam ng Balita bago sumapit ang mga Mahal na Araw, nauna nang ipinaalala ni Fr. Warren na ang pagkabuhay umano ni Hesus ay palatandaan na may umiiral na pag-asa sa mundo.
Basahin: #BalitaExclusives: Importansya ng Semana Santa sa pananampalatayang Katoliko, ayon sa isang pari