Kinumpirma ni Jemuel Muleta—ama ng limang taong gulang na batang winakwak ang tiyan at ginilitan, na sumailalim na sa operasyon ang biktima at patuloy umanong lumalaban para mabuhay.
Sa kaniyang Facebook post nitong Linggo, Abril 5, 2026, ibinahagi niyang nakayanan ng musmos na biktima ang pagsailalim niya sa operasyon, bunsod ng mga tinamong pinsala mula sa suspek.
"Sa Mga nagtatanong at nangangamusta kay Francis success at kinaya nya po yung Operasyon," anang ama ng biktima.
Kinumpirma din niyang nawalan ng bituka ang biktima at nag-iisa na lang ang kidney nito.
"Tinangal po yung mga sirang organ po sa katawan nya dahil sa nangyaring mananakit sa kanya nawalan po sya nang BITUKA at isa nalang po ang KIDNEY n’ya pero patuloy po syang lumalaban tinangal nadin po yung tubo sa bibig nya na tumutulong sa paghinga n’ya nakakahingan napo siya nang sarili nya medyo naninibago papo siya kaya may time na nahihirapan siya huminga," saad ng ama ng biktima.
Nakatakda rin daw na sumailalim sa transplant ang biktima dahil sa pinsala sa kaniyang bituka.
"Pakatatag pa tayu anak gagaling ka din mag papa bowel transplant kapa para mabuhay ka nang normal," dagdag pa niya.
Matatandaang noong Marso 31 nang matagpuan ang naghihingalong katawan ng biktima sa isang bakanteng lote sa Navotas City. Ginilitan ang leeg, wakwak ang tiyan habang nakalabas ang bituka at may mga tanda umano ng gulpi sa iba pang bahagi ng kaniyang katawan.
Ayon sa pamilya ng biktima, wala silang nakikitang motibo at tao na maaari umanong gumawa sa inosente nilang anak.
Samantala, ayon pa sa mga ulat, nasakote na ng pulisya ang 20 taong gulang na suspek. Sa bisa ng isang CCTV footage, napag-alamang siya ang huling kasama ng biktima bago mangyari ang krimen. Nagawa ring kumpirmahin ng biktima ang pagkakailanlan ng suspek matapos ang kaniyang operasyon.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo ng suspek. Kasalukuyan na siyang nasa kustodiya ng pulisya na nahaharap sa kaukulang kaso.