May 21, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

Pagninilay: Bakit nga ba pinapayagan ng Diyos na tayo'y mahirapan?

Pagninilay: Bakit nga ba pinapayagan ng Diyos na tayo'y mahirapan?
Photo courtesy: Screenshot from Fr. Jowel Jomarsus Gatus (YT)/Freepik

Madalas na naitatanong ng marami: kung mabuti ang Diyos, bakit Niya hinahayaan ang paghihirap?

Sa gitna ng sakit, kabiguan, at pagsubok, tila mahirap unawain ang Kaniyang kalooban. Ngunit sa mas malalim na pagninilay, ang paghihirap ay hindi palaging parusa; ito’y maaaring paraan upang hubugin ang pagkatao, palalimin ang pananampalataya, at ihanda ang isang tao sa mas malaking layunin.

Sa mga sandaling nahihirapan, doon mas nakikilala ang sarili—ang ating lakas, kahinaan, at kakayahang magtiwala. Ang mga pagsubok ay nagiging daan upang maging mas matatag at mas mapagkumbaba. Hindi man agad malinaw ang dahilan, may mga bagay na nauunawaan lamang sa paglipas ng panahon.

Kagaya ng naging homiliya ni Fr. Jowel Jomarsus Gatus, kura paroko ng San Jose Parish sa San Fernando, Pampanga noong Linggo ng Palaspas, Marso 29, kung saan ipinaliwanag niya ang dahilan kung bakit hinahayaan ng Diyos na makaranas ng paghihirap ang mga tao; kung minsan, dumaranas at dumadaan sa matitinding pagsubok, unos, o bagyo. 

Ginawa niyang halimbawa ang dating slave trader na si John Newton, na matapos makaranas ng halos ikamatay na niyang bagyo habang nasa loob ng barko, na naglalayag sa gitna ng karagatan, ay natutong tumawag at manalangin sa Panginoon para sa kaniyang kaligtasan mula sa matinding delubyo. 

Mga Pagdiriwang

Tuklasin: Mga kulturang weirdo at kakaiba pero ipinagdiriwang pa rin sa mundo!

Nagbago ang pananaw ni Newton at bumalik-loob sa Diyos. Dahil dito, nakatha niya ang awiting "Amazing Grace."

"Mga kapatid, lahat po tayo, kamukha natin si John Newton. Lahat tayo, may kasalanan. Lahat tayo, hindi tayo perpekto. Lahat tayo may pagkukulang," aniya.

"Pero nagpapasalamat tayo sa Diyos, dahil sa Kaniyang kamangha-manghang biyaya, minamahal pa rin tayo ng Diyos. Pinapatawad tayo ng Panginoon. Paulit-ulit," saad pa niya. 

Emosyunal na sinabi ng kura paroko na lahat ng tao ay hindi perpekto; lahat ay nagkakamali at nagkakasala. 

Pagkatapos, sinagot ng pari ang dahilan kung bakit nga ba hinahayaan daw ng Diyos na dumaan sa matitinding pagsubok ang mga tao.

"Bago ang tagumpay, dadaan muna tayo sa trahedya. Bago ang kaligtasan, daraan muna tayo sa mga sakuna ng buhay. Bago natin matanggap ang amazing grace, kailangan muna nating dumaan, harapin ang mga mababagsik na bagyo," paliwanag ng kura paroko.

Dagdag pa niya, "Hindi ba puwedeng madali na lang ang buhay? Hindi ba puwedeng wala na lang problema ang buhay? Ito po ang sagot."

"Dahil gusto ng Diyos na tayo ay maging kamukha ng Kaniyang anak na si Hesus. Kung hindi tayo dadaan sa pinagdaanan ni Hesus, hindi tayo magiging kamukha ni Hesus," aniya pa.

Panghuli, nag-iwan si Fr. Gatus ng pag-asa para sa lahat.

"Lahat ng iyong problema ay sangkap para pagpalain ka ng Diyos. Trust God, He will turn your burden into your blessing. Trust God, He will use your problem to actually save your life... kung kasama natin Siya sa krus, makakasama rin natin Siya sa muling pagkabuhay," aniya.