Inanunsyo ng US Embassy sa Pilipinas na mas maraming aplikante ng US visa sa bansa ang kinakailangang gawing public ang kanilang social media accounts.
Bukod sa mga estudyante at exchange visitors (F, M, at J visas) at specialty occupation visa holders (H-1B at H-4 dependents), saklaw na rin ng bagong patakaran ang mga aplikante sa iba pang kategorya.
Kabilang dito ang fiancé(e) visa applicants (K-1, K-2, at K-3 visas), ilang personal employees o domestic workers (A-3, C-3, at G-5 visas), trainee o special education exchange visitors (H-3 at kanilang H-4 dependents), cultural at religious visitors (Q, R-1, at R-2 visas), at mga informant, witness, at biktima ng krimen (S, T, at U visas).
Matatandaang mula pa noong 2019 ay inaatasan na ng US Embassy ang mga visa applicant na ilahad ang kanilang social media accounts bilang bahagi ng aplikasyon.
“Visa applicants are required to list all social media usernames, handles, or identifiers for every platform they have used in the last five years on the visa application form,” ayon sa pahayag ng embahada noong Miyerkules, Abril 1, 2026.
Nagbabala rin ang embahada na maaaring maapektuhan ang aplikasyon ng mga hindi makasusunod sa nasabing patakaran.
“Applicants certify that the information in their visa application is true and correct before they sign and submit. Omitting social media information could lead to visa denial and ineligibility for future visas,” dagdag pa nito.
Sa kasalukuyan, maaaring pumasok sa US nang hanggang 90 araw para sa turismo o negosyo ang mga mamamayan ng 42 bansang kasama sa visa waiver program, nang hindi kinakailangang mag-apply ng visa sa embahada o konsulado ng Amerika—isang prosesong maaaring umabot ng ilang buwan o taon bago maaprubahan.
Kabilang sa visa waiver program ang maraming bansa mula sa Europe tulad ng United Kingdom, Germany at France, gayundin ang ilang kaalyado ng US gaya ng Australia, Israel, Japan, New Zealand at South Korea.
Bagama’t hindi kailangan ng visa ng mga mamamayan mula sa mga bansang ito, kinakailangan pa rin nilang magsumite ng online application sa pamamagitan ng Electronic System for Travel Authorization o ESTA bago pumasok sa U.S. Layunin ng sistemang ito na tiyaking kwalipikado ang mga aplikante para sa visa-free travel at hindi sila banta sa seguridad.
KAUGNAY NA BALITA: 5-year social media history ng mga turistang bibisita sa US, posibleng gawing requirement!