May 22, 2026

Home BALITA

Mister na ibinugaw ang misis sa higit 100 lalake, hinatulan ng korte!

Mister na ibinugaw ang misis sa higit 100 lalake, hinatulan ng korte!

Tuluyang kinasuhan ng korte ang 62-anyos na mister matapos ang kaniyang paulit-ulit na pambubugaw sa misis niya.

Ayon sa mga ulat, kinastigo ng korte ang suspek matapos niyang ilako ang asawa niya sa tinatayang 120 lalaki.

Nahaharap ang suspek sa patong-patong na mga kaso matapos ibaba ng Sweden court ang mga hatol na aggravated pimping, walong bilang ng panggagahasa, at iba pang karahasang sekswal na kinasasangkutan ng humigit-kumulang 120 lalaki.

Batay sa imbestigasyon, pinaghihinalaang matagal nang pinilit ng suspek ang kaniyang asawa na makipagtalik sa iba’t ibang lalaki kapalit ng pera. Inakusahan din siyang lumikha ng mga online advertisement, mag-ayos ng mga pakikipagkita, magbantay habang nagaganap ang mga aktibidad, at mag-udyok sa biktima na magsagawa ng mga sekswal na gawain sa internet upang makahikayat ng mas maraming kliyente.

Iniulat na ginamit din umano ng lalaki ang karahasan at pagbabanta laban sa babae, sinamantala ang kaniyang pagkalulong sa droga, at umano’y siya rin ang nagbibigay ng ipinagbabawal na gamot sa biktima.

Sey ng NBI: 'Fugitive Senator Dela Rosa will be arrested whether he likes it or not'

Naaresto ang suspek noong Oktubre sa hilagang bahagi ng Sweden matapos siyang tuluyang i-report ng biktima sa pulisya. Mula noon ay nananatili siyang nakakulong habang dinidinig ang kaso.

Bukod sa walong bilang ng panggagahasa, nahaharap din siya sa apat na tangkang panggagahasa at apat na kaso ng pananakit. Kabilang sa mga insidente ang pakikipagtalik ng biktima sa isang kliyente at mga pagkakataong pinilit siyang magsagawa ng sekswal na gawain sa sarili para sa online na video.

Ayon sa prosekusyon, bagama’t may mga pagkakataong pumayag ang babae na magbenta ng sekswal na serbisyo, may mga hangganan umano itong itinakda na hindi iginalang ng suspek. Sa mga sitwasyong hindi nito sinunod ang pagtanggi ng biktima, doon isinampa ang mga kasong panggagahasa at tangkang panggagahasa.

Nakasaad din sa sakdal ang iba’t ibang pagbabanta laban sa babae, kabilang ang pananakot na magpapakawala ng karahasan.

Naganap umano ang mga insidente mula Agosto 11, 2022 hanggang Oktubre 21, 2025. Nakatakdang magsimula ang paglilitis sa Abril 13, 2026.

Sa ilalim ng batas ng Sweden, ipinagbabawal ang pagbili ng sekswal na serbisyo ngunit hindi ang pagbebenta nito, gayunpaman ilegal ang pagpapadali o pag-organisa ng ganitong gawain.

Samantala, tinatayang nasa 26 na lalaki ang kinasuhan kaugnay sa pagbili ng sekswal na serbisyo, habang patuloy pang iniimbestigahan ang iba pang mga sangkot.