Isang makapangyarihang kuwento ng pagbabagong-buhay ang iniwan ni John Newton, na minsang naging sangkot sa kalakalan ng alipin ngunit kalaunan ay nagbalik-loob sa Diyos at kinilala bilang may-akda ng tanyag na himnong Kristiyano na "Amazing Grace."
Kagaya ng naging homiliya ni Fr. Jowel Jomarsus Gatus, kura paroko ng San Jose Parish sa San Fernando, Pampanga noong Linggo ng Palaspas, Marso 29, kung saan ipinaliwanag niya ang dahilan kung bakit hinahayaan o pinapayagan ng Diyos na makaranas ng paghihirap ang mga tao; kung minsan, dumaranas at dumadaan sa matitinding pagsubok, unos, o bagyo.
Ginawa niyang halimbawa ang dating slave trader na si John Newton, na matapos makaranas ng halos ikamatay na niyang bagyo habang nasa loob ng barko, na naglalayag sa gitna ng karagatan, ay natutong tumawag at manalangin sa Panginoon para sa kaniyang kaligtasan mula sa matinding delubyo.
Ipinanganak noong 1725 sa London, England, si Newton ay lumaki sa isang kapaligirang may impluwensya ng relihiyon mula sa kaniyang ina. Gayunman, sa murang edad ay nalihis siya ng landas at nasangkot sa marahas at kontrobersyal na industriya ng "transatlantic slave trade," kung saan siya ay nagsilbing kapitan ng mga barkong nagdadala ng mga alipin mula Africa patungong Europa at Amerika.
Sa gitna ng kaniyang magulong buhay sa dagat, dumaan si Newton sa isang pangyayaring nagbunsod ng kaniyang pagbabagong-loob.
Noong 1748, habang siya ay nasa isang barkong nasalanta ng malakas na bagyo, siya ay taimtim na nanalangin sa Diyos para sa kaligtasan—isang sandaling kaniyang kinilalang simula ng kaniyang espirituwal na paggising.
Matapos ang insidenteng iyon, unti-unti niyang iniwan ang kaniyang dating pamumuhay.
Kalaunan, siya ay naging isang pari sa Simbahang Anglikano at nagsimulang magsulat ng mga himno at mensaheng panrelihiyon.
Isa sa kaniyang pinakatanyag na akda ang “Amazing Grace,” na naglalarawan ng kaniyang personal na karanasan ng pagtubos, kapatawaran, at biyaya ng Diyos.
Sa kalaunan, naging kritiko rin si Newton ng sistemang kaniyang minsang kinabibilangan. Isa siya sa mga sumuporta sa kilusan laban sa pang-aalipin sa Britain, at ginamit ang kaniyang karanasan upang ilantad ang kalupitan ng nasabing kalakalan.
Sa kasalukuyan, patuloy na nagbibigay-inspirasyon ang kaniyang buhay sa marami—isang paalala na anuman ang nakaraan, may pagkakataon pa ring magbago at magbalik-loob sa Diyos.
"Mga kapatid, lahat po tayo, kamukha natin si John Newton. Lahat tayo, may kasalanan. Lahat tayo, hindi tayo perpekto. Lahat tayo may pagkukulang," pahayag ni Fr. Gatus.
"Pero nagpapasalamat tayo sa Diyos, dahil sa Kaniyang kamangha-manghang biyaya, minamahal pa rin tayo ng Diyos. Pinapatawad tayo ng Panginoon. Paulit-ulit," saad pa niya.
Ang kuwento ni John Newton ay hindi lamang salaysay ng kasalanan, kundi ng pag-asa—na sa pamamagitan ng biyaya, ang sinuman ay maaaring makatagpo ng bagong simula.
Kaugnay na Balita: Pagninilay: Bakit nga ba pinapayagan ng Diyos na tayo'y mahirapan?